Kasabay ng digitalization ng SSS, marami na sa mga transaksyon ng ahensya ay magagawa na gamit ang My.SSS Portal. Sa katunayan, isa sa benefit application na isinusumite na online ay ang Retirement Claim Application. Bagamat may mga piling miyembro pa rin na kinakailangan magover-the-counter para mafile ng retirement application, pag-uusapan natin sa kolum na ito ang mga kundisyon na nakapaloob sa online filing.
Sakop ng online service na ito ang lahat ng employee-members na may edad 60 hanggang 64 at hiwalay na sa trabaho, lahat ng land-based Overseas Filipino Workers (OFW) at Voluntary Members na at least 60 years old sa petsa ng pagpa-file ng claim o lahat ng miyembro (depende sa kategorya) na at least 65 years old sa petsa ng pagpa-file ng claim.
Sa ngayon, ang mga nagpa-file ng over-the-counter ng retirement claim application ay ang mga sumusunod: mga surface at underground mineworkers, mga hinete, mga may dependent minor children, self-employed member na wala pang 65 years old at may mga natitirang pagkakautang sa Stock Investment Loan Program (SILP)/ Privatization Loan Program/ at Educational Loan/ at Vocational Technology.
Importanteng nakarehisto na sa My.SSS ang magpa-file ng retirement application. Kapag mayroon ng My.SSS account, irehistro muna ang bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM). Makikita sa official SSS YouTube channel ang maigsing video kung paano magrehistro sa DAEM. Buksan ang video sa link na ito: https://youtu.be/GO-nUc–6xM.
Para sa kapakanan ng mga magreretiro o plano nang mag-file ng kanilang retirement benefit claim sa SSS, bukod sa pagkakaroon ng My.SSS portal ay kinakailangan din na masunod ang mga qualifying conditions. Una, dapat ay mayroong at least 120 months na kontribusyon ang miyembro bago ang buwan ng pagpa-file ng retirement application. Halimbawa, kung ang miyembro ay mag-60 years old ngayong May 2022, dapat ay mayroon na siyang hindi bababa sa 120 months contribution noong December 2021. Kung hindi naman nakumpleto ang 120 months subalit 60 years old na o higit pa ang miyembro at nais na niyang kunin ang benepisyo, lumpsum amount na lamang ang kanyang makukuha.
Kinakailangan rin na aktibo ang SS number ng miyembrong maga-apply ng Retirement Claim. Ang permanenteng SSS Number ang gagamitin ng miyembro sa tuwing nagbabayad ng kontribusyon o naga-apply ng iba pang SSS benefits o loans. Dapat rin ay iisa ang SS Number ng miyembro. May mga pagkakataon kasi na dalawa o higit pa ang naging SS number ng miyembro. Dapat ay ipaayos muna ito sa SSS branch bago mag-file ng retirement pension.
Wala rin dapat outstanding Stock Investment Loan Program (SILP)/ Privatization Loan Program/Educational Loan/Vocational Technology Loan balance ang miyembro. Subalit, papayagan naman siyang mag-file kahit mayroon siyang outstanding loan balance sa Salary/Calamity o Salary Loan Early Renewal Program lamang. Wala rin dapat na dependent minor children, at hindi self-employed o may nakarehistrong negosyo sa pangalan ng miyembro kung siya ay edad 65 years old pababa.
Para sa mga magreretiro na, handog ng SSS ang online application na ito sa inyo. Malaking tulog ito lalo na sa mga ayaw pang lumabas ng kanilang tirahan dahil pa rin sa nararanasan nating pandemya. Gamitin po ninyo ito para na rin sa mas mabilis, mas ligtas at mas komportableng transaksyon sa SSS.
Kasabay ng paggamit sa online transactions ay paulit-ulit na paalala ng SSS sa mge miyembro at pensyonado nito na huwag makipag-transact sa hindi empleyado ng SSS upang maiwasang mabiktima ng online scammer o fixer. Huwag na huwag ibibigay ang online credentials tulad ng username at password sa mga taong hindi ninyo kilala at hindi mapagkakatiwalaan. Protektahan niyo ito gaya ng ginagawa ninyo sa PIN ng inyong ATM Card. Kung nais magpatulong sa inyong online application, maaari kayong magsadya sa aming opisina at kami mismong mga empleyado ang tutulong sa inyo gamit ang aming mga E-Centers. Sa mga nais mapanood sa aming opisyal na YouTube channel ang proseso ng online filing ng retirement claim, narito ang link: https://youtu.be/SZxMIGzbWC0.
===
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.