SSS, nagpupugay sa mga manggagawang pilipino

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Noong May 1 ay binigyan natin ng pagpupugay ang kagitingan, sipag, sakripisyo at tiyaga ng mga manggagawang Pilipino. Lalo ngayong panahon ng pandemya ay karapat-dapat lamang na sila ay ipagmalaki at pasalamatan dahil napakalaki ng kanilang kontribusyon sa unti-unting pagbangon ng ating ekonomiya. Sa katunayan, mas doble pa ang sakripisyo nila para sa kanilang pamilya. Minsan pa nga ay kailangang kumuha ng sideline o maghanap ng iba pang mapagkakakitaan maliban sa regular nilang trabaho para matustusan ang pang-araw-araw nilang gastusin. Kaya naman ang SSS ay sumasaludo sa lahat ng manggagawang Pilipino. Kayo ang dahilan kung bakit mas ipinagbubuti pa namin ang mga serbisyo at programa ng SSS.

===

Ngayong buwan ng Mayo, istrikto nang ipinatutupad ang paggamit ng Payment Reference Number (PRN) para sa pagbabayad ng short-term loans gaya ng Salary, Calamity, Emergency, at Restructured Loan.

Ipapadala ng SSS ang loan billing notice kasama ang PRN nito sa nakarehistrong email address at mobile number ng mga employer at miyembro sa SSS database. Gagawin ito mula sa una hanggang ika-anim na araw ng buwan. Samantala, ang Loan Billing Statement na kung saan nakasaad ang PRN, ay maaaring makita ng mga employer at miyembro sa kanilang My.SSS account sa ilalim ng “RTPL” module at sa PRN Loan Inquiry.

Bukod sa PRN, makikita rin sa mga dokumentong ito ang amount due para sa current billing month at past due amortization kasama ang penalties mula sa nakaraang buwan, kung mayroon man.

Dahil sa bagong sistemang ipinatutupad ng SSS, pinapaalalahanan natin ang lahat ng miyembro at employers na magkaroon ng sariling My.SSS account at i-update ang kanilang contact information.

===

Mula sa ating inbox:

Sinabi ni Pangulong Duterte na may matatanggap kaming mga pensioners na P20,000.00. Totoo ba ito? Kung sakaling totoo ito, kailan namin ito matatanggap? Salamat po! – Conrado, Baguio City

Ang Administrative Order 39 na pinirmahan ni Pangulong Duterte ay nagbibigay pahintulot sa ECC o Employee’s Compensation Commission (ECC) na magbigay ng one-time financial assistance na nagkakahalaga ng P20,000.00 sa kanilang mga EC Permanent Partial Disability, Permanent Total Disability at Survivor Pensioners. Ipinagkakaloob ang EC benefits sa mga benepisyaryong nagkasakit, nabalda o mamatay habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.

Bilang mga implementing agencies ng ECC, ipagkakaloob ng SSS at GSIS ang pinansyal na tulong sa mga kwalipikadong pensioners. Subalit, wala pang malinaw na petsa kung kailan ito ibibigay dahil binabalangkas pa sa ngayon ang Implementing Rules and Regulations ng nasabing Administrative Order. Maghintay lamang ng susunod ng anunsyo mula sa ECC, SSS, at GSIS.

Sino ang beneficiary ng Funeral Claim? – Miranda, Baguio City

Ang Funeral Claim o tinatawag ding Burial Claim ay cash grant na ibinibigay ng SSS sa kung sino man ang gumastos sa pagpapalibing ng isang SSS member. Hindi nangangahulugang kapamilya ng namatay na miyembro ang siyang makakakuha ng nasabing benepisyo. Kadalasan, kung sino ang nakapangalan sa resibo mula sa punenarya ang siyang itinuturing na claimant.

===

Kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph.

Comments