Dear SSS,
Aktibo kami ni misis sa pagbabayad ng SSS contribution dahil kapwa kami empleyado. Subalit, magmimigrate na ang aming pamilya sa Singapore sa susunod na buwan. Ang tanong ko po ngayon, ano ang mangyayari sa aming contributions kung kami ay aalis na ng bansa? Kailangan pa ba namin ipagpapatuloy ni misis ang pagbabayad? Kung Oo, paano at saan namin ito maaaring gagawin? Salamat sa inyong pagtugon. – Ralph, Baguio City
Mabuting araw sa’yo, Ralph! Huwag kayong mag-alala dahil hindi mawawala ang inyong inihulog na SSS contribution. Mananatili ito sa inyong record kahit kayo ay manirahan sa ibang bansa.
Sa ilalim kasi ng Social Security Act of 2018, compulsary na ang pagiging SSS member ng mga land-based at sea-based OFWs na wala pang 60 years old. Samakatuwid, mandatory na ang pagbabayad ng SSS contribution bilang OFW member.
Noong January 2021, ang minimum contribution ng mga OFWs sa ilalim ng bagong contribution rate ay P1,080 samanatala ang maximum ay P3,250.
Kapalit ng inyong SSS contribution ay pitong benepisyo: Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death, Funeral at Unemployment Benefit. Wala pa riyan ang pribilehiyong magkapag-loan sa ilalim ng Salary, Calamity, Educational, at Pension Loan. Subalit, dapat tandaan na ang pagtanggap ng benepisyo ay nakadepende pa rin sa qualifying conditions.
Kabilang sa mga programa ng SSS para sa mga OFWs ay ang Flexi-Fund na isang provident-fund program at ang WISP o Workers Investment and savings Program – isang compulsory retirement savings scheme para sa mga miyembrong nagbabayad ng P2,600 na buwanang kontribusyon o katumbas ng P20,000 Monthly Salary Credit (MSC). May kaakibat ito na benepisyo at kita na siyang matatanggap ng miyembro kasabay ng kanilang retirement, total disability, at death benefits.
Para sa iyong kaalaman, narito ang contribution payment payment schedule para sa OFWs. October ang deadline ng contribution payment para sa buwan ng January hanggang September, samantalang tuwing January ng susunod na taon ang deadline para sa buwan ng October hanggang December.
Mas pinadali rin ang paraan ng pagbabayad ng contribution at loan dahil sa mga online payment facilities tulad ng Bayad Online (dating CIS Bayad Center, Inc.); Paymaya, Gcash, Shopeepay at iRemitx. Maaari din nilang gamitin ang SSS Mobile App para makapagbayad ng SSS contribution sa pamamagitan ng PayMaya, BPI Online, at credit o debit card.
Kung sakaling may katanungan ang OFWs tungkol sa kanilang SSS membership o may ipapasang mga dokumentong may kaugnayan sa SSS, may 28 foreign offices ang ahensiya sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ito ay nasa Abu Dhabi, Al Khobar, Bahrain, Brunei, Calgary, Doha, Dubai, Hong Kong, Jeddah, Jordan, Kaohsiung, Kuala Lumpur, Kuwait, London, Los Angeles, Macau, Madrid, Milan, New York, Oman, Riyadh, Rome, San Francisco, Singapore, Taipei, Tel Aviv, Toronto at Vancouver. Ang lokasyon ng ating foreign offices ay makikita sa loob ng ating embahada. Sa katunayan, may isa rin tayong SSS office sa loob ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Office sa Ortigas. Para sa eksaktong lokasyon g SSS Foregin branch, i-click ang Branch Directory link: https://www.sss.gov.ph/sss/getBranchDir.action. Kung sakaling busy kayo sa inyong trabaho at hindi kayo makapunta sa foriegn office, maaari rin kayo mag-email ofw.relations@sss.gov.ph.
Kaya para sa inyo Ralph, ang pagbabayad ng inyong SSS contribution ay para sa iyong proteksyon at mga panandaliang pangangailangang pinansyal. Gumawa na rin kayo ng inyong My.SSS account para kahit nasa Singapore na kayo ay namo-monitor ninyo pa rin ang inyong SSS records.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.