SSS, maaasahan sa oras ng mga kalamidad

  • 2
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    2
    Shares

This post has already been read 333 times!

Marami sa ating mga kababayan sa probinsya ng Batangas at kalapit na mga lugar tulad ng Cavite ang lubhang naapektuhan matapos pumutok ang Taal Volcano nitong nakaraang Linggo, makalipas ang 43 taon.  Higit 500,000 residente sa mga nabanggit na lugar ang pinalikas sa kanilang mga bayan bunsod ng tuloy-tuloy na pagputok ng bulkan na may kasamang paglindol na naging dahilan ng pagkakabitak-bitak ng mga lupa at kalsada.  Nakakalungkot din ang mga balita na malaking pinsala ang epekto nito sa mga pananim, turismo at kabuhayan ng mga residente dahil sa ash fall na umabot hanggang Metro Manila at libo-libong mga hayop na namatay sa paligid ng Taal.

Sa ganitong mga panahon, ang SSS ay kabalikat natin sa pagbibigay-tulong sa ating mga miyembro at pensyonado.  Sa mga nakalipas na kalamidad tulad ng lindol sa Mindanao, mga bagyong Tisoy at Ursula, ang SSS ay nagbigay ng Calamity Assistance Package.

Dahil hinihintay pa natin ang ilan pang karagdagang lugar na idineklara bilang calamity areas ng mga Provincial Disaster Committee at National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, iaanunsyo muli natin ang simula ng pagtanggap ng mga aplikasyon para sa mga biktima ng Taal Volcano eruption.

Samantala, aming ipinararating ang kanilang kahilingan dito sa Norte na magpaabot ng tulong gaya ng tubig, damit, toiletries, kumot, at mga pagkain para sa ating mga kababayan sa Batangas at karatig na probinsya. Makipag-ugnayan lamang sa inyong barangay o LGU kung saan dadalhin ang inyong mga donasyon. Sana ang bawat isa sa atin ay magpaabot ng tulong kahit sa simpleng pamamaraan.

====

Talakayin natin naman ang Calamity Assistance Package (CAP) na iniaalok ng SSS sa mga miyembrong nasalanta ng bagyong Ursula nitong nakalipas na Disyembre.  Matatandaang hinagupit ng Bagyong Ursula ang buong probinsya ng Visayas at MIMAROPA Region noong Kapaskuhan.

Malaki ang pasasalamat natin dahil hindi naramdaman ang bagyong ito sa Cordillera at Ilocos Region na dumanas na rin ng kalamidad nitong nakalipas na taon.

Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan, three-months advance pension para sa mga pensyonado, at Direct House Repair and Improvement Loan. Ang programang ito ay batay sa inanunsyong declared calamity areas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Sa ilalim ng programa, kabilang rito ang mga sumusunod na lugar tulad ng: San Jose, Occidental Mindoro; Kalibo, Aklan; Malay, Aklan; Libertad, Antique; Pandan, Antique; Sigma, Capiz; Carles, Iloilo; Concepcion, Iloilo; Maridejos, Cebu; buong probinsya ng Eastern Samar at buong probinsya ng Leyte; at Damar, Samar.

Para makapag-avail ng Calamity Loan, ang tirahan o ari-arian ng miyembro ay dapat kabilang sa mga nabanggit na lugar ng NDRRMC. Kinakailangan din na sila ay may kontribusyon na hindi bababa sa 36 buwan, ang anim na buwan dito ay dapat naibayad sa loob ng 12 buwan bago ang aplikasyon ng miyembro. Halimbawa, kung magpa-file kayo ng calamity loan ngayong Enero 2020, dapat ay may 36 buwan na kayong hulog at ang anim na buwang kontribusyon ay dapat pasok sa loob mula Hulyo hanggang Disyembre 2019. Napakahalaga rin na naka-rehistro ang miyembro sa My.SSS facility upang mas mapabilis ang pagtanggap ng kanilang loan.

Maaaring bayaran sa loob ng 24 buwan o dalawang taon ang calamity loan na may interest rate na 10% kada taon, 1% penalty naman ang sinisingil multa kada buwan sa mga late payments. Wala na rin silang babayaran na 1% service fee na karaniwang sinisingil sa regular salary loans.

Maliban dito, lalo na sa mga miyembrong nasira ang mga kabahayan, maaari silang mag-aplay ng Direct House Repair and Improvement Loan. May anim na buwang moratorium sa pagbabayad ng monthly amortization ang ibinibigay ng SSS para dito. Hanggang P1M naman ang maaaring mahiram ng isang kwalipikadong miyembro sa ilalim ng programang ito.

Para makautang sa ilalim ng Direct House repair and Improvement Loan, dapat ay hindi higit 60 years old ang miyembro at may hindi bababa sa 24 ang buwanang kontribusyon.  Ang tatlong buwang kontribusyon nito ay dapat posted na sa records ng miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang filing ng kanyang aplikasyon.

Para sa ating mga pensyonado, maaaring makakuha ng three-months advance pension ang mga ito bilang tulong sa kanilang mga pangangailangan. Kung ang kanilang address ay iba sa nakarehistro sa SSS, kinakailangan nilang magsumite ng barangay certificate bilang patunay na sila nga ay residente ng mga apektadong lugar.

Kung sakali namang nakapag-avail na sila ng mga previous CAPs o kung may natitira pa silang balanse ng utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program, pati na rin ang mga pensyonado na may natitira pang balanse sa ilalim ng Pension Loan Program, sila ay hindi na maaaring makahiram sa kasalukuyang CAP.

Para sa mga miyembro at pensyonadong nasalanta ng Bagyong Ursula, tumatanggap na ng mga aplikasyon simula January 14, 2020 para sa Calamity Loan at three-months advance pension na tatagal hanggang April 14, 2020. Samantala, ang Direct House Repair and Improvement Loan ay maaaring i-file hanggang Enero 14, 2021.

Patuloy pa rin ang pagtanggap ng SSS sa mga aplikasyon para sa Calamity Loan, three-months advance pension para sa mga biktima ng Bagyong Tisoy hanggang March 19, 2020. Hanggang December 19, 2020 naman ang aplikasyon para sa Direct House Repair and Improvement Loan.

Para sa mga karagdagang impormasyon hinggil sa CAP, maaari kayong bumisita sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar o tumawag sa SSS Call Center hotline 1455 o magpadala ng e-mail sa member_relations@sss.gov.ph. Available din ang mga application forms sa SSS website, www.sss.gov.ph.

====

Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang aking tanggapan ay matatagpuan sa 2/F, SSS Baguio Branch, SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.

Comments