SSS AlkanSSSya Program

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Nakilala ko ang tumatayong lider ng golf caddies sa Baguio Country Club (BCC), Si Mang Fernando Ronquillo, Jr. Tuwang-tuwa niyang ibinalita sa akin na 19 sa kanilang miyembro ang tumatanggap na ngayon ng pensyon mula sa SSS.

Malaki ang pasasalamat niya sa mga parokyano nilang golfers at mga kawani ng SSS Baguio Branch at SSS Luzon North 1 Dvision na tumulong sa kanila para maipakilala ang iba’t-ibang programa ng SSS sa kanilang grupo at mahikayat na sila ay maging miyembro ng SSS.

Special mention ni Mang Fernando si Mrs. Bernadette Filler ng Baguio Lady Golfers Group na siyang nagtatag ng BCC Caddies Welfare. Sa kanya kasi nanggaling ang ideya na tutulungan ng kanilang grupo ang caddies para makapaghulog ng kontribusyon sa SSS.

Umaabot sa P250.00 kada caddy kada buwan ang ambag ng grupo nina Mrs. Filler para sa SSS contributions ng golf caddies. Dadagdagan na lamang ng caddies ang halagang ito depende sa gusto nilang halaga ng kanilang monthly contribution. Si Mang Fernando, nagdadagdag siya ng P470.00 para mabuo ang kanyang P720.00 monthly contribution.

Noong Abril, umakyat sa 19 ang pensyondao sa grupo nina Mang Fernando. Halos lahat sila ay tumatanggap ng lima hanggang anim na libong piso kada buwan. Sa ngayon, 16 na lamang silang natitirang caddies sa Baguio Country Club na patuloy na sinusuportahan ng grupo ni Mrs. Filler.

====

Dito sa lungsod ng Baguio , maraming asosasyon ang kabilang sa SSS AlkanSSSya Program. Karamihan dito ay mga maliliit na negosyante na arawan ang kita. Nangunguna sa listahan ang Federation of Abanao-Zandueta-Chugum-Kayang-Otek (AZCKO) Barangay Vendors Association, Inc. (FABVAI) na may 154 na miyembro at Mines View Vendors Association na may 109 na miyembro noong 2018.

Ang AlkanSSSya Program ay naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa mula sa informal sector na makapag-ipon para sa kanilang SSS contribution. Kadalasan, sila ay miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), Jeepney Operators and Drivers Association (JODA), asosayon ng mga tindero’t tindera sa palengke, grupo ng mga golf caddies at iba pang organisadong grupo.

Meron silang malaking alkansya na may maliliit na compartments para sa bawat miyembro. Araw-araw silang maghuhulog ng lima hanggang sampung piso o kung magkano ang kaya nilang ihulog sa kanilang “alkansya” para makumpleto ang kanilang buwanang kontribusyon. Sa katapusan ng buwan, kokolektahin ito ng SSS Accounts Officer para i-remit ito sa SSS.

Ito’y isang napakabisa at napakagaan na paraan para sa mga miyembrong nais magkaroon ng social security benefits mula sa SSS. Hindi mabigat sa bulsa ang lima hanggang sumpung piso kada araw, kung kapalit naman nito ay mga benepisyo at prebilihyo na siguradong mapapakinabangan nila at ng kanilang pamilya.

====

Noong 2018, umabot sa 1,445 organisasyon sa buong bansa ang kabilang sa AlkanSSSya Program katumbas na P797.54 milyong halaga ng nakolektang kontribusyon. Para sa mga manggagawa mula sa informal sector na kabilang sa programa, sana ay maipagpatuloy nila ang paghuhulog ng kontribusyon nang lubusan nilang masulit ang mga benepisyo at pribilehiyong hatid ng SSS.

Para po sa mga asosasyon o organisasyon na nais mag-enrol sa AlkanSSSya program ng SSS, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar.

====

Bukas pa rin po ang pintuan ng SSS para sa mga pensioners na nais mag-avail ng Pension Loan Program. Ito ay para matulungan ang aming mga pensioners na maibsan ang inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensyonado na interesadong mag-avail ng PLP na magsadya dito sa SSS Baguio branch o sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar.

Speaking of Pension Loan, mag-iingat po sa mga nagpapanggap na tutulungan raw kayong mag-apply ng PLP at mapapabilis raw ang pag-proseso nito. Personal po kayong mag-apply ng PLP sa mismong branch ng SSS at tanging mga kawani ng SSS lamang po ang inyong kausapin tungkol dito. Kamakailan lamang ay napabalitang 21 SSS pensioners ang na-scam ng isang fixers sa Silay City, Negros Occidental dahil lumapit sila sa isang fixer. Uulitin ko po, huwag po kayong lalapit sa mga fixers at tanging sa SSS branch lang po kayo makipag-transact.
====

Patuloy po ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.

Comments