Self-employed membership

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Noong nakaraang kolumn, napag-usapan natin ang tungkol sa Voluntary Membership sa SSS. Ngayon naman, bibigyang linaw natin ang tungkol sa Self-Employed Membership. Sino-sino ang mga tinatawag na Self-Employed members sa SSS at magkano ang kanilang maaaring maihulog na buwanang kontribusyon?

Ang Self-Employed members ay mga miyembrong may sariling negosyo, o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor, scriptwriter, at mamamahayag na hindi maituturing na empleyado. Kabilang din sa kategoryang ito ang mga atleta, coaches, hinete, tagapagsanay, at mga manggagawa sa informal sector gaya ng mga mangingisda, magsasaka, market vendors, street sweepers, at tricycle drivers. Maituturing din na self-employed members ang job order at contractual workers na nagtatrabaho sa mga ahensya ng gobyerno dahil hindi sila sakop ng GSIS benefits.

Kung magrerehsitro bilang self-employed member sa SSS, tandaan na hindi dapat lalagpas sa 60 taon ang kanilang edad samantalang hindi dapat bababa sa P3,000.00 ang kanilang buwanang kita.

Kung dati nang miyembro sa SSS – anuman ang kanilang kategorya (Employed, Voluntary, OFW o Non-Working Spouse) o Prior Registrant, mag-fill out ng E4 Form o Member Data Change Request. I-check ang Change of Membership Type at ilagay ang uri ng negosyo at taon kung kailan nagsimula ang negosyo o ang nasabing propesyon. Kailangan din ilagay ang halaga ng buwanang kita dahil dito ibabase ng SSS kung magkano ang maaaring bayaran ng miyembro bilang kaniyang monthly contribution. Samantala, kung wala pang Social Security Number at ngayon pa lang magrerehistro sa SSS, kailangan magfill-out ng SSS E1 o Personal Record Form ang aplikante. Piliin ang self-employed bilang membership category at ilagay din ang uri ng negosyo, taon kung kalian nagsimula ang negosyo o nagsimula sa nasabing propesyon, pati na rin ang halaga ng buwanang kita.

Makakatanggap ang self-employed members ng Maternity Benefit, Sickness Benefit, Disability Benefit, Retirement Benefit, Death Benefit, at Funeral Benefit. Maaari rin silang mag-apply ng Salary Loan, Calamity Loan at Pension Loan kung sila ay pensyonado na. Siguraduhin lamang na pasok rin sila sa mga qualifying conditions. Maliban sa mga nabanggit na benepisyo, ang self-employed members ay sakop rin ng Employees’ Compensation. Ibig sabihin, bukod sa SSS regular sickness, disability at death benefit, may matatangap din silang EC benefit kung sakaling ang dahilan ng kanilang pagkakasakit, pagkabalda at pagkamatay ay work-related.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa self-employed membership, maaaring bisitahin ang aming mga social media accounts gaya ng aming Facebook Page, Philippine Social Security System at sa aming website www.sss.gov.ph.

###

Mula sa ating inbox:

Hi SSS, retiree pensioner na ang aking tatay at ako naman ay 20 years old na. Sinabi ni tatay na hindi niya ako nailagay bilang beneficiary niya. Pwede pa ba niyang ihabol ang pangalan ko? – Jona

Magandang Araw Jona, kailangan magsubmit ang iyong tatay ng birth certificate at marriage certificate. Sasailalim sa re-adjudication ang iyong apela at dedesiyunan ito ng SSS base sa kanilang assessment.

Kailangan na bang kumuha ng PRN kung magbabayad ng salary loan ngayong April? How true po ito? Saan at paano kukuha ng PRN para sa loan payment? – Philip

Tama ang impormayon na nakuha mo, Philip. Simula ngayong Abril, ang lahat ng salary loan payments ay kailangan na ng PRN o Payment Reference Number. Kung ikaw ay Voluntary, Self-Employed o OFW member, maaari kang mag-generate ng iyong PRN for Loan Payment sa iyong My.SSS account. Samantala, ang employers ay maaari ring mag-generate ng PRN sa kanilang Employer’s My.SSS account. Ang PRN for Loan Payments ay inilunsad ng SSS upang ma-ipost agad sa aming system ang inyong ibinabayad na loan. Katulad rin ito sa PRN for Contribution payments kung saan real-time ang posting nito.

Isusumbong ko lang ang employer ko kasi ang sabi sa akin, ako na raw ang mag-process ng sickness benefit ko. Ayaw nila itong asikasuhin at hindi daw pwede na sila muna ang magbabayad at irereimburse na lang sa SSS. Pakitago na lang po name ko.

Kapag ganito ang inyong employer, maaari kayo maghain ng pormal na reklamo sa SSS para magawan natin ng solusyon. Nakapaloob po sa Section 14 ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 na obligasyon ng employer na bayaran muna ang compensable period ng employee kung siya ay nagkasakit o napinsala. Marahil natatakot ka rin na mapag-initan ng iyong employer kaya’t huwag kang mag-alala dahil pwede namang i-request na itago ang iyong pagkakakilanlan.

###

Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.

Comments