Tuluy-tuloy na ang pag-usad ng digitization sa SSS dahil inilunsad na rin ang online application ng Pension Loan para sa ating mga retiree-pensioners. Ibig sabihin nito, matututo nang maging “techy” sina lolo at lola gamit ang SSS Website.
Para sa kaalaman ng ating mga retiree pensioners, narito ang mga hakbang para makapag-apply sila ng Pension Loan online. Una, kailangan may sarili silang My.SSS account at aktibong mobile number. Dapat ay mayroon sila kahit isa sa mga sumusunod: valid SSS-UMID ATM, valid UnionBank Quickcard na ang Savings Account Number ay rehistrado sa SSS o kaya ay valid Pension Savings Account Number na rehistrado sa SSS.
Makikita sa E-Services tab ng My.SSS account ang Pension Loan Application. Sagutan lamang nang buo ang mga hinihinging detalye sa inyong aplikasyon. Huwag kalimutan na basahin at i-check ang terms and conditions bago isumite ang inyong aplikasyon upang maiwasan ang pagkakaantala ng pagpoproseso at pagbibigay ng pension loan dahil sa paglalagay ng maling impormasyon. Kung lagpas alas-singko ng hapon isinumite ang aplikasyon, ipoproseso ito ng SSS sa susunod na working day. Makakatanggap ng confirmation email ang pensyonado matapos ipasa ang aplikasyon.
Sa mga may problema sa internet connection o kaya naman nahihirapan na masundan ang bawat hakbang sa pag-enrol sa My.SSS o anumang online application, pwedeng bumisita sa E-Centers na matatagpuan sa mga SSS Branches upang kayo ay matulungan ng aming mga Member Service Representatives (MSRs).
Kahit pwede nang magpasa ng pension loan application online, tatanggap pa rin ang SSS branches ng over-the-counter application ng Pension Loan. Para sa inyong kaligtasan, siguruhin lamang na magsuot ng mask at face shield, at panatilihin ang social distancing sa loob at labas ng aming tanggapan.
Ang Pension Loan application online ay isang maginhawa, mabilis, at ligtas na paraan ng pakikipagtransaksyon ng ating mga pensionado sa SSS dahil hindi na nila kailangan pang lumabas ng bahay at ilagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan. Batid namin na nangangapa ang karamihan, lalo na ang ating mga nakatatanda, sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Ngunit kung tayo lamang ay matiyagang matuto, madali naman itong pag-aralan at siguradong mapapakinabangan ito nang husto. Kaya’t nananawagan na rin ako sa mga kasama ng ating retiree pensioners sa bahay na gabayan sila sa paggamit ng computer at internet. Maging matiyaga rin tayo sa pagbabahagi ng ating mga kaalaman sa mga nakatatanda para mag-enjoy din sila sa makabagong pagbabago bilang certified Lolo at Lola Techy.
===
Mula sa ating inbox:
Kinasal ako sa gitna ng pandemya. Is there a way na mabago ko ang aking family name from Santiago to new family name na Felipe? Anong mga requirements na kailangan dalhin? May negative impact ba ito kung hindi ko maipa-ayos sa SSS? Thanks so much! – Maricel, La Union
Hi Mam Maricel,
Kailangan mong mag-fill out ng Member Data Change Request o E-4. Makakakuha ka ng form sa pinakamalapit na SSS branch o maaari itong i-download sa SSS Website www.sss.gov.ph. Makikita sa form na ito ang pagpapalit ng anumang detalye ng miyembro katulad ng pagpapalit ng apelyido ng mga ikinasal na babaeng miyembro. Kung hindi mabago o ma-update ang apelyido, maaari itong magresulta sa pagka-antala ng anumang benefit application ng miyembro at benepisyaryo nito sa hinaharap, lalo na ang inyong asawa bilang isang primary beneficiary. I-attach lamang ang kopya ng inyong marriage certificate para rito.
===
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.