Real-time processing of loans o RTPL

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

This post has already been read 803 times!

Nito lamang Huwebes ay pormal nang ginawang mandatory ang paggamit ng Payment Reference Number (PRN) sa pagbabayad ng loans. Layunin kasi ng programang Real Time Processing of Loans (RTPL) ang agarang posting ng loan payments sa ating records.

Noong Nobyembre 2020 pa lamang ay nagsimula nang magpadala ang SSS ng billing notices sa member-borrowers at employers upang maabisuhan sila kaagad tungkol sa bagong programa ng SSS. Sakop ng RTPL ang lahat ng mga regular at household employers, self-employed (kabilang ang Informal Sector workers), voluntary, at OFW members. Kinakailangan lamang mag-generate ng PRN dahil ito ang magiging basehan sa pagbabayad ng kanilang utang sa SSS.

Upang bigyan ng sapat na oras ang ating mga miyembro at employers na makapaghanda sa programang ito, partikular na ang paggawa ng sariling My.SSS accounts, kamakailan lang ay inanunsyo na ng SSS ang mandatory implementation ng RTPL ngayong buwan ng Hulyo. Nais naming ipaalam sa ating miyembro at employers na madali lamang ang pagsunod sa programang ito.

Para sa employers, simple lamang ang pagbabayad ng SSS loans ng kanilang mga empleyado. Basta’t nakarehistro na sila sa kanilang sariling My.SSS Facility at updated ang kanilang mga contact information lalo na ang kanilang e-mail address, awtomatiko na silang makakatanggap ng electronic loan collection list (e-LCL) kasama ng kanilang PRN na gagamitin nila sa pagbabayad sa SSS. Maaari na rin nilang i-edit ito kung may pagbabago sa halaga ng babayaran, atbp. Kada una hanggang ika-anim na araw ng buwan ay maaari nang ma-access ng mga employers ang electronic contribution collection list o e-LCL sa kanilang My.SSS employer account.

Samantala, ang ating mga self-employed, voluntary, at OFW members ay makakatanggap ng Statement of Account (SOA) sa kanilang e-mail address o sa kanilang mobile number. Siguraduhin lamang na tama at updated ang kanilang contact information. Para i-update ang kanilang contact information, maglog-in sa inyong My.SSS account at i-click ang “Update Contact Info” sa ilalim ng “Member’s Profile” Tab.

====

Mula sa ating inbox:

Namatay ang aming nanay noong April 2021 subalit ang natanggap lang namin mula sa SSS ay ang funeral claim na P25,000.00. Wala na daw kaming matatanggap na death benefit dahil hindi naman sila kasal ng aking tatay at wala na kaming menor de edad na mga kapatid. Sabi ng branch, dahil daw 2010 pa ay tumatanggap na ng retirement pension ang aming nanay. Pakilinaw nga po ito. Salamat po! – John

Magandang Araw sa iyo, John. Una, nais ko munang banggitin sa’yo ang tungkol sa Order of Priority ng SSS pagdating sa mga legal na benepisyaryo. Una sa listahan ay ang Primary Beneficiaries o ang ligal na asawa at menor de edad na mga anak (21 taong gulang pababa, o physically, mentally incapacitated) ng namatay na miyembro. Kung walang primary beneficiary ang miyembro, isusunod ang Secondary Beneficiaries. Sila ang mga magulang at kapatid ng miyembro. Kung wala na ring Secondary Beneficiaries, ikatlo sa order of priority ay ang Designated Beneficiaries o kung sino ang isinulat ng miyembro sa kanyang E1 o E4. Kung wala na ang mga Designated Beneficiaries, ang panghuli sa order of priority ay ang Legal Heirs na kung saan ang korte na ang magpapasya at ibabase nila ito sa Family Code of the Philippines.

Batay sa impormasyon na ibinigay mo sa akin, lumalabas na wala ng primary beneficiary ang iyong tatay dahil hindi sila ikinasal ang iyong nanay at wala na kayong menor de edad na kapatid. Dahil noong 2010 pa tumatanggap ng retirement pension ang iyong nanay, lumagpas na ito sa 5-year guaranteed pension. Samakatuwaid, Funeral Claim na lang talaga ang maaari ninyong matanggap sa SSS at hindi na makakatanggap ng Death Benefit ang iyong nanay.

====

Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.

Comments