Paalala sa mga SSS pensioners: ACOP suspension

  • 45
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    45
    Shares

This post has already been read 161 times!

Noong nakaraang lingo, nakausap ko ang 73 year old survivor pensioner na si Lola Meling na nagsadya pa dito sa SSS Baguio branch para mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners Program (ACOP). Nagpasama si Lola Meling sa kanyang panganay na apo dahil bukod sa may kahirapan siyang maglakad ay malabo na rin ang kanyang mga mata. Pagsapit ng buwan ng Hunyo ay nagpupunta siya sa SSS branch para mag-comply sa ACOP upang tuloy-tuloy pa rin ang kanyang pagtanggap ng buwanang pensyon mula sa namatay niyang asawa.

Ipinagbigay alam ko kay Lola Meling at sa kanyang kasama na pansamantalang suspendido ang ACOP. Sa panibagong guidelines na inilabas ng SSS, hangga’t nasa ilalim tayo ng anumang klaseng community quarantine ay wala munang ACOP. Dagdag pa dito, ang mga pensyonadong nakatakdang sumailalim sa ACOP mula March hanggang matapos ang community quarantine ay patuloy pa ring makakatanggap ng kanilang buwanang pensyon. Kapag na-lift na ang community quarantine, bibigyan pa rin sila ng karagdagang 60 days o katumbas ng dalawang buwan upang mag-comply sa ACOP.

Kung ang pensyonado naman ay hindi nakapag-comply sa ACOP bago pa man nagkaroon ng community quarantine (February paatras) bibigyan sila ng opsyon para mag-comply online. Ipadala lamang ang fully accomplished na ACOP form, kasama ng photocopies ng kanilang IDs sa member_relations@sss.gov.ph o sa email address ng nakakasakop sa kanilang branch. Ang e-mail address ng SSS Baguio ay baguio@sss.gov.ph, sa La Trinidad naman ay latrinidad@sss.gov.ph. Kung nasa abroad naman ang pensyonado, maaaring ipadala sa ofw.relations@sss.gov.ph ang kanilang aplikasyon.

Sa kasalukuyang kalagayan ni Lola Meling, at dahil nasa loob na rin siya ng aming opisina sa mga oras na iyon, tinanggap na rin namin ang kanyang aplikasyon sa aming dropbox. Sa dropbox din ipinapasa ngayon ang mga ACOP application forms ng pensioners na pumupunta sa opisina sa kabila nang pagbabawal sa mga senior citizens na lumabas ng kanilang mga tahanan.

Muli, paalala sa ating mga pensioners na pansamantalang suspendido ang ACOP compliance. Huwag po kayong mag-alala dahil hindi mapuputol ang pagtanggap ng inyong buwanang pensyon.

===

Sa SSS dropbox system, isa po itong napakaginhawa at mabilis na pamamaraan para magpasa ng anumang SSS benefit application. Ilagay lamang sa mga dropboxes na makikita sa harap ng aming mga branches ang inyong mga dokumento at siguradong aasikasuhin yan ng aming frontline staff personnel. Siguraduhin lamang na kumpleto ang mga dokumentong inyong ipapasa kung saan nakalakip ang inyong contact details. Ang dropbox system ay inilunsad bilang bahagi ng serbisyo ng SSS para sa mga miyembro nito kung saan prayoridad natin ang kanilang kaligtasan at kalusugan sa gitna ng corona virus disease (CoVID-19) pandemic.

===

Mula sa ating inbox:

Maaari po bang sa mother na lang namin ibigay ng SSS ang death benefit claim ng namatay kong kuya at hindi sa kanyang asawa? Matagal na po silang hiwalay at ang mga anak nila ay si mama na rin po ang nag-aalaga. Thank you – Samantha

Dear Samantha, sa ilalim ng batas ng SSS, ang primary beneficiary ng namatay na miyembro ay ang kanyang ligal na asawa. Habang wala pang divorce dito sa ating bansa, ang asawa ng iyong kuya ay siya pa ring kikilalanin na ligal niyang asawa. Samakatuwid, siya pa rin ang itinuturing ng SSS bilang primary beneficiary at tatanggap ng death benefit claim mula sa namatay niyang asawa. Kung sakaling may iba ng asawa ang babae, tatayo na lamang siyang guardian sa mga menor de edad nilang anak ng kuya mo, kung mayroon man. Samantala, kung nasa mother mo ang pangangalaga ng mga anak ng kuya mo,siya naman ang tatanggap ng kanilang dependent’s pension hanggang sila’y umabot sa 21 taong gulang. Ang dependent’s pension ay katumbas ng 10% ng basic monthly pension ng miyembro.

===

Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph

Comments