Online service facilities ng SSS

  • 1
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    1
    Share

Kinausap natin noong lunes ang ilang SSS members na nakapila sa ating branch dito sa Baguio para alamin ang kanilang transaksyon. Sa halos 30 miyembrong nakausap ko, higit sa kalahati  nila ay magtatanong lamang tungkol sa kanilang kontribusyon; ang ilan ay para alamin kung magkano pa ang natitira nilang utang; ang iba ay para magsumite ng kanilang Retirement Claim application. May isa pa ngang miyembro na nakapila habang tangan ang kanyang sanggol na anak para lamang i-check kung kwalipikado ba siyang makatanggap ng Maternity Benefit.

Sa kabuuan, at sa karanasan na rin ng iba pang SSS branches sa buong bansa, kadalasan sa ipinipila ng mga members ay magagawa na nila online. Kaya naman ay patuloy ang aming paalala sa ating mga miyembro na gamitin ang online services para sa mas mabilis at mas pinadaling transaksyon. Hindi na nila kailangang lumabas pa ng bahay at magtungo sa aming mga opisina.

Ang My.SSS ang nagsisilbing pangunahing online portal na kinakailangan ng bawat miyembro at employers. Ang mga transaksyon sa My.SSS ay ang mga sumusunod: aplikasyon sa mga SSS benefits tulad ng Unemployment, Sickness, Retirement, Maternity at Funeral (para sa mga SSS member claimants), pagpasa ng Salary Loan, Calamity Loan, Pension Loan, pati na rin ang Short-term Member Loan Penalty Condonation Program (PRRP 5) application, at mag-enrol ng kanilang bank account o proof of account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module sa My.SSS. Maliban sa mga nabanggit, maaari ring i-access ng mga miyembro ang kanilang membership information, contributions, loan status at benefit claims status. Maaari na ring mag-generate ang Payment Reference Number o PRN para sa loan at contribution payment, mag-sumite ng request ng record, mag-enroll sa Flexi-fund at Personal Equity and Savings Option (PESO) Fund, i-access sa Remittance Company/Cash Payout Outlet Reference Number Inquiry, gamitin ang Simulated Retirement Calculator at Appointment System para sa UMID Card application.

Sa mga magpapa-miyembro at kukuha ng SSS number, kinakailangan lamang na magpunta sa SSS website na sss.gov.ph at doon ay makakapag-generate na ng SSS number. Ia-upload na rin doon ang inyong Birth Certificate o Baptismal Certificate para ma-tag kang permanent member.

 Samantala, ang mga employers naman ay maaaring magpasa online ng sickness notification, sickness benefit reimbursement application, at maternity benefit reimbursement application at adjustment. Pwede na rin silang mag-certify ng Salary at Calamity Loan Application ng kanilang mga empleyado, mag-file ng employment report o R1-A, makita ang mga sumusunod na impormasyon gaya ng contributions, loan, at status ng kanilang reimbursement claims, mag-update ng contact information, mag-generate ng PRN para sa kontribusyon at loan, at i-access and Benefit Re-disbursement Module gamit ang kanilang My.SSS account. Maliban dito, bilang obligasyon ng ating mga employers ay pwede na rin sila magsumite ng kanilang Contribution at Loan Collection List online at magbigay ng certification ng pagkakahiwalay sa sa trabaho ng dati nilang empleyadong nag-aapply ng retirement benefit gamit ang kanilang My.SSS account.

Maliban sa My.SSS facility, nariyan din ang Text-SSS. Dito maaaring i-verify ang bilang ng kontribusyon, loan application status, loan balance, status ng benefit claims, documentary requirements sa pag-file ng benefit claim, at lokasyon ng SSS branches. Pwede ring makuha gamit ang Text-SSS ang Payment Reference Number (PRN) na siyang gagamitin sa pagbabayad ng SSS contribution, Para magrehistro sa TEXT-SSS, i-type ang SSS REG at i-send ito sa 2600. Para malaman ang iba’t ibang text commands, itype ang SSS HELP at ipadala sa 2600. Ang standard service fee para sa Globe at Smart /Sun Cellular subscribers ay P2.50.

Ang enhanced SSS Mobile App naman ay isa ring napakagandang online service facility na maaaring gamitin ng miyembro para makipagtransaksyon sa SSS. Makukuha rito ang mga impormasyon gaya ng inyong kontribusyon, loan payment at benefit claims status. Maaari ring mag-apply ng salary loan, magsumite ng Maternity Notification para sa mga Self-employed, Voluntary at OFW members, tingnan ang mga listahan ng requirements para sa benefit claims, kumuha ng form para sa application ng SS Number, at magbayad ng kontribusyon sa pamamagitan ng PayMaya, Gcash, BPI Online, at debit o credit card. May ilang transaksyon na rin ang maaaring gawin ng ating mga employers sa SSS Mobile App tulad ng pag-check ng kanilang mga basic information, bank information, contribution at loan records, status ng payments at benefit reimbursement claims, status ng PRN, SSS Actual Premiums at Employee’s Compensation (EC) Amount, maging ang kopya ng special bank receipt o transaction number. Maaari rin silang magsumite ng Contribution at Loan Collection List at i-certify ang loans at benefit claims ng kanilang mga empleyado. Libre itong mada-download sa Google Play Store, Apple App Store, at Huawei App Gallery.

Noong September 10, 2021, inilunsad din ng SSS ang uSSSap Tayo Portal – ang Customer Relations Management System na kung saan maaaring ipadala ng publiko ang kanilang mga hinaing, reklamo at mga katanungan. Kumpleto na rin ng impormasyon at updates tungkol sa mga programa at serbisyo ng SSS dahil makikita rin dito ang iba’t-ibang instructional videos, pati na rin press releases at advisories na inilalabas ng SSS.

Kabilang din sa online services facilities ay ang mga Self-Service Terminals na nasa mga piling SSS branches, at SSS e-mails (member_relations@sss.gov.ph; ofw.relations@sss.gov.ph at onlineserviceassistance@sss.gov.ph). Sundan lamang ang mga official Social Media Accounts ng SSS tulad ng Facebook (Philippine Social Security System), YouTube (MySSSPhilippines), Twitter (@PHLSSS), Instagram (MYSSSPH) at Viber Community (MYSSSPH Updates).

Para po sa ating mga miyembro at pensyonado, ikinalulugod namin na bigyan kayo ng dekalidad na serbisyo sa aming mga tanggapan. Subalit, para na rin sa inyong kaligtasan, panahon na upang maranasan ninyo ang mas mabilis, mas pinasimple, at mas pinadaling transaksyon sa SSS gamit ang mga nabanggit na online facilities.

Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.  

Comments