Number coding sa SSS Baguio Branch

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Simula sa Marso 1, 2021, muling ipatutupad ng SSS Baguio branch ang number coding scheme para sa ating mga miyembrong magsasagawa ng transaksyon sa ating opisina. Matatandaan na inilunsad ng SSS Baguio ang number coding noong nakaraang taon subalit pansamantalang inihinto ito nang inilunsad naman ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang market schedule.  Dahil dito, isinabay ng SSS Baguio ang araw ng transaksyon nito sa market schedule upang minsanan na ang paglabas ng mga miyembro. Ngayong wala nang itinakdang market schedule, muling ibabalik ang number coding scheme dito sa SSS Baguio.

Para sa kaalaman ng lahat, ang number coding scheme ay base sa huling numero ng Social Security (SS) number. Ang mga miyembro at employer na may SS number na nagtatapos sa 1 at 2 ay sa Lunes lang dapat makikipagtransaksyon sa SSS. Ang mga may SS number naman na nagtatapos sa 3 at 4 ay tuwing Martes; 5 at 6 tuwing Miyerkules; 7 at 8 tuwing Huwebes; at 9 at 0 tuwing Biyernes. Kung sakaling idineklarang holiday ang tinakdang araw ng kanilang transakyon, maaari silang i-accommodate sa susunod na working day o kaya ay hintayin ang kanilang schedule sa susunod na linggo. Kung nagkaroon naman ng hindi inaasahang downtime o offline, maaari naman silang bigyan ng appointment schedule; mag-antay kung anong oras mag-online o kaya’y bumalik sa araw ng kanilang susunod na schedule.

Ang mga transaksyon na maaari lamang gawin sa branch ay ang mga sumusunod: magbayad ng loan at contribution, mag-comply sa SS Number Application sa pamamagitan ng SSS Website, i-claim ang UMID Card, magsumite ng mga orihinal na dokumento na kinakailangan para sa benefit claim applications, paggamit sa E-center facility, kumpirmadong branch appointment, at iba pang mga katanggap-tanggap na kadahilanan.

Ang patakarang ito ay bahagi pa rin ng health protocol na ipinapatupad sa kasalukuyan. Kaya naman inaasahan namin ang kooperasyon ng publiko para sa mas maayos na sistema at kaligtasaan ng lahat. Ipinapangako naman ng SSS Baguio branch na pagsisilbihan nito ang lahat ng mga miyembrong magta-transact sa branch batay sa itinakdang schedule.

Samantala, hinihikayat natin ang lahat ng miyembro na gamitin ang online facilities para hindi na kinakailangan pang bumisita sa aming opisina. Ang mga online transactions ay ang mga sumusunod: Salary o Calamity Loan Application; Maternity Notification, Unemployment Benefit, Sickness Benefit Reimbursement ng mga Employer, SS Number application; R1A o Employee Record para sa mga bagong empleyado; Retirement Benefit Claim maliban sa mga may benepisyaryong bata na edad 21 taon gulang pababa at mga surface at underground miners; Funeral Benefit para sa mga SSS member-claimants na may electronic disbursement; Disbursement Account Enrollment Module (DAEM); Benefit Re-Disbursement Module; at inquiries at verification ng kontribusyon, loan at benefit status.

===

Mula sa ating inbox:

 Nadeny ang aking inupload na supporting document sa aking Bank Enrollment kahit tama naman yung ATM na inupload ko. Hindi daw nakikita sa ATM ang Savings Account Number eh wala naman talagang nakalagay na account number sa ATM card? Bakit kaya nagkaganon? Ano ba ang dapat kong gawin? Salamat po – Alexander F. (Baguio City)

Magandang Araw, Alexander. May mga ATM card na wala talagang nakasulat na Savings Account Number sa mismong ATM. Ang kadalasang numerong makikita roon ay ang Card Number, at ito ang dahilan para i-reject ang iyong uploaded document. Dapat kasi, ang Account Number at hindi Card Number ang inirerehistro sa ilalim ng Disbursement Account Enrolment Module (DAEM).

Kapalit nito, maaaring i-upload na lang ang Validated Deposit Slip kung walang nakasaad na account number sa ATM. Maaari rin i-upload ang kopya ng Passbook, Bank Statement o Bank Certification o kaya ay screenshot ng iyong bank details mula sa iyong mobile app.

===

Patuloy ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan hinggil sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at tatalakayin natin ang mga paksang iyan sa ating susunod na column.

Comments