Maternity Benefit at Maternity Benefit Reimbursement Application, malapit nang gawing online

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Good news sa ating mga babaeng miyembro at employers! Inanunsiyo ng SSS na simula September 1, 2021, gagawin nang mandatory ang online filing ng Maternity Benefit Application (MBA) at Maternity Benefit Reimbursement Application (MBRA) sa pamamagitan ng My.SSS account. Ang dalawang programang ito ng SSS ay para sa mga babaeng miyembro, mapa Self-Employed man, Voluntary Member, OFW member o maging mga Non-Working Spouse members. Sakop din ng MBA ang mga babaeng miyembro na nahiwalay sa trabaho na hindi nakatanggap ng advance payment o maternity benefit galing sa kanilang mga employers. Samantala, sakop naman ng MBRA ang regular at household employers.

Mahalaga rito ay mayroon nang My.SSS account ang mga miyembro at employers. Maliban diyan, naka-enrol na dapat ang kanilang napiling PESONet bank account sa Disbursement Account Enrollment Module o DAEM na makikita rin sa ilalim ng E-Services tab.

Sa ilalim ng MBA at MBRA program, ang mga miyembro at employers ay pwedeng magfile ng initial o new maternity benefit claim at adjustment sa halaga ng maternity benefit claim, kung mayroon man. Halimbawa ng adjustment claim ay kung kwalipikado ang miyembro bilang Solo Parent, pagtatama o correction sa claim tulad ng pagpapalit ng type of delivery mula Normal sa Ceasarian delivery o miscarriage o anu pa man.

Maliban sa Maternity Benefit Application at Maternity Benefit Reimbursement Application, ang iba pang mga online application na makikita sa E-Services tab ng My.SSS account ay ang mga sumusunod: Disbursement Account Enrolment Module (DAEM), Salary Loan, Calamity Loan, Unemployment Benefit, Pension Loan, Retirement Benefit, Funeral Claim, PESO Fund at Flexi Fund. Pwede rin magrequest ng Member Data Change para sa simpleng correction, magsumite ng Maternity Notification at gamitin ang Simulated Retirement Calculator.

===

Mula sa ating inbox:

Nagsara ang kumpanya namin noong nagkaroon ng COVID. Matagal na akong hindi nakakapaghulog sa SSS dahil wala naman akong permanenteng trabaho sa ngayon. Malaking pasasalamat ko dahil kahit papano ay may natanggap akong Unemployment Benefit pero hindi pa rin ito sapat. Ang tanong ko po ay kung sakali ba ay pwede ko bang ipagpatuloy ang paghuhulog ng SSS contribution kahit wala pa akong trabaho? At kung sakaling makapasok ako sa panibagong trabaho, paano ko na huhulugan ang aking SSS contribution? Salamat po sa inyong magiging tugon. – Maribel, Baguio City

Magandag araw, Maribel! Maaari mong ipagpatuloy ang pagbabayad ng iyong SSS contribution bilang voluntary member. Ngunit bago ka magbayad ng iyong kontribusyon, kailangan mo muna mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) gamit ang iyong My.SSS Account, SSS Mobile App o sa Text-SSS. Baguhin mo rin ang iyong membership status mula employed to voluntary at piliin ang applicable month/s-kung monthly o quarterly. Matapos nito ay piliin mo rin ang Monthly Salary Credit na siyang basehan sa halaga ng iyong babayarang SSS contribution. Pwede mong baguhin ang halaga ng babayarang kontribusyon ayon sa iyong kakayahan sa kasalukyan. Ang minimum monthly contribution ay nasa P390.00 habang ang maximum contribution ay P3,250.00. Tandaan na mandatory ang paghuhulog ng employer ng iyong kontribusyon na magsisimula sa unang buwan ng iyong employment at ang halaga nito ay ayon sa iyong sweldo. Kaya upang maiwasan ang gap, ang pagbabayad mo ng voluntary contribution ay dapat hanggang sa huling buwan bago ang iyong employment.

Dear SSS, ayaw kumuha ng SS number yung kasambahay namin. Ano po ang gagawin namin? Gusto namin bayaran ang SSS niya pero ayaw naman niyang makipag-cooperate sa amin. Pls. help. Thank you! – Migz, Sablan Benguet

Hi Migz! Una sa lahat, mainam na ipaliwanag muna natin sa kanya na ang pagrerehistro ng kasambahay sa SSS ng kanyang household employer ay mandatory ayon sa Social Security Law. Para mahikayat siyang kumuha ng SS Number, ipaliwanag niyo sa kanya kung anu-ano ang mga benepisyo at pribilehiyo na makukuha niya bilang miyembro ng SSS. Nariyan ang sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death, at funeral benefit. Wala pa rito ang iba’t ibang short term loans gaya ng salary, calamity, educational, at pension loan. Dahil nakarehistro siya bilang kasambahay, makakakuha rin siya ng Employees Compensation (EC) benefits kung sakaling magkasakit, maaksidente o masawi (na ayaw nating mangyari) habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa pagbabayad ng SSS contribution, kung ang sahod ng iyong kasambahay ay P5,000 pababa, sasagutin mo bilang employer ang kabuuang halaga ng kontribusyon na P650.00 at karagdagang P10.00 para sa EC contribution. Kung P5,000 pataas naman ang kanyang sahod, ang P650 pesos ay paghahatian ninyong dalawa—8.5% share ang sa iyo at 4.5% naman ang sa iyong kasambahay na siyang ikakaltas sa kanyang sahod. Sa ganitong paraan, maiintindihan niya ang importansya ng pagkuha ng SS Number pati na rin ang pagbabayad ng SSS contribution.

Malaking tulong ito sa kanya kung dumating ang oras na kailangan niya ng tulong pinansiyal. Alam nating hindi panghabambuhay ang pagsisibli niya sa inyo kaya mas mainam na magmiyembro siya sa SSS para makatanggap siya ng pensyon sa oras na siya ay magretiro. Kung sakaling kailangan ninyo ng tulong sa pagpapaliwag sa kaniya, isama niyo siya at puntahan ninyo kami dito sa aming opisina. Tumawag po kayo sa aming opisina para mag-schedule ng appointment. Maraming salamat Migz dahil binibigyang halaga mo ang social security protection ng iyong kasambahay. Saludo kami sa’yo!

Kailangan pa bang magrehistro sa My.SSS ang tatay ko kahit pensyonado na siya? Thanks!
– Rose, Tuba Benguet

Magandang araw, Rose. Kailangan pa rin magrehistro sa My.SSS ang tatay mo kahit pensyonado na siya. Sa ilalim kasi ng My.SSS, maaari siyang mag-file dito ng Pension Loan kung sakaling mangailangan siya ng karagdagang tulong pinansiyal. Pwede rin niya i-update ang kanyang PESONet participating bank kung saan ipinapasok ang kanyang pension sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM). Bukod pa riyan, makikita rin sa kanyang My.SSS account ang kanyang pension history pati na rin ang membership details.

===

Kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph.

Comments