Mas Pinabilis na Paraan sa Pagkuha ng SSS Salary Loan

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Bukod sa pitong benepisyong nakalaan para sa mga miyembro ng SSS, may iniaalok din na mga pribilehiyo ang aming ahensya. Isa rito ay ang salary loan. Ito ang pinakasikat na pribilehiyo sa mga aktibong nagbabayad sa SSS dahil naaasahan nila ito sa mga panandaliang pangangailangang pinansyal.

Lahat ng mga miyembro – maging employed, self-employed, o voluntary – ay maaaring mag-apply ng salary loan sa SSS. Basta’t nakapaghulog nang hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim dito ay dapat naibayad sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon sa salary loan ay kwalipikado sa pautang na ito.

Hindi makakapag-apply ng salary loan ang mga nag-refund ng kontribusyon sa SSS dahil umabot na sa edad ng pagreretiro. Gayundin ang mga tumanggap na ng retirement at total disability benefits o di kaya ay tinanggalan ng karapatang umutang ng Social Security Commission o SSC dahil sa pandaraya sa pagpa-file ng aplikasyon sa salary loan.

Ibabatay sa huling average ng 12 monthly salary credit (MSC) o deklaradong kinikita buwan-buwan ng miyembro ang salary loan. Sa maximum na MSC ngayon, ang salary loan ay hanggang P16,000 para sa isang buwan na salary loan samantalang P32,000 naman ang katumbas ng dalawang buwang utang. Babayaran ang salary loan sa loob ng 24 buwan o dalawang taon na may interes na 10% kada taon.

====

Noong 2018, umabot sa P30.5 bilyon ang kabuuang halaga ng salary loan ang nailabas ng SSS para sa 1.8 milyong member-borrowers. Sa buong Luzon North 1 Division ng SSS kung saan kasama rito ang SSS Baguio branch, nakapaglabas ito ng aabot sa P415.22 milyong halaga ng salary loan sa 25,884 miyembro noong 2018. Dahil dito, masaya ang SSS dahil mas higit kaming nakakatulong sa mga miyembrong may mga biglaang gastusin.

====

Ang SSS Baguio ay isa sa 20 branches sa buong bansa ang gumagamit ng Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Card para doon direktang idedeposito ang kanilang salary loan. Sa halip na naka-tseke ang inyong salary loan, ipapasok na sa iyong personal na UBP savings account ang salary loan at pwede na ito i-withdraw gamit ang inyong Quick Card sa anumang Megalink, Bancnet at Expressnet Automated Teller Machines (ATMs).

Maghintay lamang ng 3 hanggang 5 araw mula sa pagkaka-apruba ng inyong loan application. Mas mabilis ito kung ikukumpara sa tseke dahil kailangan mo pa maghintay ng hindi bababa sa isang linggo, depende sa iyong lokasyon bago ito matanggap at i-encash sa bangko.

Para makakuha ng UBP Quick Card, magtungo lamang sa UBP kiosk na makikita sa ikalawang palapag ng SSS Baguio branch. Dalhin ang aprubadong Salary Loan Application form at samahan ng 2 valid Identification Cards (IDs). Libre ang quick card at agad ninyo itong makukuha.

Ayon sa datos ng UBP sa SSS Baguio branch, umabot na sa 5,587 SSS members ang kumuha ng Union Bank Quick Card sa mismong UBP Kiosk ng SSS Baguio branch para doon ipadaan ang kanilang Salary Loan proceeds.

====

Iba’t-iba ang paraan ng pag-aapply sa salary loan. Kung ikaw ay employed, maaari kang kumuha ng application form sa inyong Human Resource (HR) Department. Fill-upan lamang ito at sila na ang magsusubmit nito sa SSS. Maaari ka rin magsubmit ng iyong application online. Mag-log in lamang sa My.SSS at sundin ang nakasaad na instruction doon. Pwede rin gamitin ang SSS Mobile Application. Para gawin ito, i-tap ang “My Loans” icon na nasa home screen ng mobile app. Pwede nilang makita at i-edit ang halaga ng uutangin. Sumang-ayon lamang sa terms of service para makita ang loan disclosure statement at para magpatuloy ang pag-susubmit ng salary loan application.Subalit, kung may extra kayong oras, makabubuti rin na dumalaw sa pinakamalapit na SSS branch para personal na i-file ang salary application dito. Maghintay lamang ng 3 hanggang 5 araw bago ito maaprubahan. Maaari rin mag-renew ng loan kahit hindi pa nababayaran nang buo ang naunang loan, basta’t nabayaran mo na ang kalahati nito. Ikakaltas na lang ang iyong natitirang balance sa bago mong loan proceeds.

====

Kaakibat ng pag-aapruba ng inyong Salary Loan ay isang paalala mula sa SSS na huwag kaligtaang bayaran ang inyong loan. Ang hindi pagbabayad ng loan sa takdang oras ay magreresulta ng paglaki ng inyong babayaran dahil sa naiipong multa at interes, pati na rin ang pagkakaantala ng inyong susunod na loan application. Makakaapekto rin ito sakaling dumating ang panahong mag-aapply na kayo ng final claim dahil ikakaltas sa inyong benepisyo ang natitirang balance sa inyong utang.

====

Nais namin ipaalam sa mga SS pensioners na tuloy tuloy ang pagtanggap namin ng aplikasyon para sa Pension Loan Program. Ito ay para matulungan ang aming mga pensioners na maibsan ang inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga  pensiyonado na interesadong mag-avail ng PLP na magsadya dito sa SSS Baguio branch o sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar.

====

Patuloy po ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.

Comments