Kontribusyon Ng Miyembro, Balik Ay Benepisyo

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

This post has already been read 165 times!

Isang SSS member ang nagtungo sa ating opisina upang magpatulong sa kanyang My.SSS registration. Habang inaasistehan ko siya, naikwento niya ang kanyang kapatid na isang OFW. Aniya, ngayong taon lang muling ipinagpatuloy ng kanyang kapatid ang pagbabayad ng SSS contribution matapos ang halos limang taong hindi nakakapagbayad. Kusang huminto sa pagbabayad ang kanyang kapatid dahil inakala nito na wala naman siyang mapapala sa pagbabayad ng SSS. Noong na-stroke ang isa pa nilang kapatid noong nakaraang taon, saka niya nakita ang kahalagaan ng pagiging isang SSS member. Malaking tulong ang natanggap na Disability Benefit mula sa SSS kaya naman nakumbinsi ito na magbayad muli ng SSS contribution.

Kako, ito ang mandato ng SSS, ang alagaan ang pondo nito para sa oras na kukuha na ng benepisyo ang mga miyembro ay may matatanggap sila. Bahagi ng pondo ng SSS ang kontribusyong ibinabayad ng mga miyembro nito. Ito ang pinagkukunan ng mga benepisyong ibinibigay sa bawat kwalipikadong miyembro at mga benepisyaryo nito.

Sa katunayan, inilabas ng SSS ang datos nito tungkol sa contribution collection noong nakaraaang taon. Ang SSS Baguio ay nakapagtala ng 13.0 percent na pagtaas sa koleksyon sa taong 2021 kumpara sa taong 2020, taon kung saan nagsimula ang pandemya.

Ayon sa datos, noong 2020 ay naka-kolekta ang SSS Baguio ng mahigit P1.32 bilyon mula sa kontribusyon ng mga miyembro. Noong 2021 naman, umakyat ito sa P1.49 bilyon.

Sa kabuuan, ang SSS ay naka-kolekta ng higit P226 bilyon noong 2021.

Bahagi rin ng pondo ng SSS ay nagmumula sa mga loan collectibles nito sa mga miyembrong may pagkakautang sa SSS. Noong 2021, ang SSS Baguio ay naka-kolekta ng aabot sa higit P134 milyon mula sa member loans at P160,000 naman mula sa housing loans. Parehas na may pagtaas ng 4.1% at 139.4% ayon sa pagkakasunod.

Ang pagtaas sa contribution collection ay nangangahulugan na marami sa ating mga miyembro ang patuloy pa ring nagtitiwala sa SSS. Ibig rin sabihin nito, maraming employers pa rin ang sumusunod sa kanilang obligasyong legal pagdating sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

===

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph . 

Comments