Ilang pagbabago sa pagtanggap ng SSS Pension

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Noong katapusan ng Setyembre ay naglabas ng anunsyo ang SSS tungkol sa ilang pagbabago sa pagrerelease ng SSS pension.

Para sa lahat ng pensyonado na may contingency date o petsa ng pagreretiro, pagkamatay o pagkabalda ng miyembro sa pagitan ng unang araw (1st day) hanggang akinse ng buwan (15th day), matatanggap na nila ang kanilang benepisyo sa unang araw ng buwan. Samantala, kung ang date of contingency ay papatak sa pagitan ng ika-16 hanggang sa huling araw ng buwan, matatanggap nila ang benepisyo tuwing ika-16 araw ng buwan.

Kung ibibigay naman ng SSS ang naipong pensyon matapos ito masuspende dahil sa hindi pagtalima sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP), matatanggap naman ito ng pensyonado sa ika-16 na araw ng sumunod na buwan matapos mag-comply at maproseso ang isinumiteng ACOP Form.

Simula din ngayong buwan ng Oktubre, ipapadaan na ng SSS ang pension sa PESONet o Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network. Ang PESONet ay isang disbursement facility ng Development Bank of the Philippines (DBP) na kung saan mas magiging mabilis at ligtas nang matatanggap ng ating mga SSS pensioners ang kanilang buwanang pensyon.

Sa tulong ng bagong sistema, matatanggap ng mga pensyonado ang kanilang buwanang pensyon sa kanilang bank account na PESONet participating bank, e-wallet gaya ng PayMaya o kaya naman cash-pick up sa DBP Cash Padala sa pamamagitan ng M Lhuillier.

Kung ang bangko ng pensioner ay PESONet participating bank, hindi na niya kailangan pang magbukas ng panibagong account. Para sa kumpletong listahan ng PESONet participating banks, bisitahin ang website ng Bangko Sentral ng Pilipinas, www.bsp.gov.ph.

Kung sakaling ang bank account ng pensyonado ay hindi kabilang sa listahan ng PESONet participating banks, kinakailangan niyang magbukas ng panibagong disbursement account sa PESONet participating bank bago mag-Oktubre 31, 2020. Matapos nito, mahalagang may sariling My.SSS account ang pensyonado para i-enroll ang bagong bank account o mobile number sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).

Sa susunod na linggo, pagusapan naman natin kung paano i-enroll o palitan ang bank account sa ilalim ng Disbursement Enrollment Account Module (DAEM).

Inaabisuhan din ng SSS ang mga pensyonado na kung sakaling hindi pa nila natatanggap ang kanilang pensyon ngayong buwan, maaari nilang i-check ang pension status sa pinakamalapit na branch o kaya ay magpadala ng email sa Development Bank of the Philippines Customer Service sa customerservice@dbp.gov.ph.

====

Mula sa ating inbox:

Hello SSS, kailan kami pwedeng mag-comply sa personal appearance? Hindi kasi kami basta basta makalabas ngayon. Thank you – Rosa Rosario, Ambiong LTB

Magandang araw Ms. Rosa,

Batay sa inilabas na SSS Circular Number 2020-005-b, habang nasa ilalim tayo ng community quarantine, mananatiling suspendido ang ACOP o Annual Confirmation of Pensioners. Ibig sabihin, tuloy tuloy niyo pa ring matatanggap ang inyong buwanang pensyon. Sa oras na matanggal na ang community quarantine, bibigyan kayo ng 60 days o dalawang buwan ng SSS para mag-comply sa ACOP. Salamat po!

===

Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.

Comments