Funeral Benefit Claim application

  • 11
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    11
    Shares

This post has already been read 2099 times!

May nag-email sa akin noong nakaraang linggo para humingi ng paglilinaw kaugnay sa kaniyang ifa-file na Funeral Claim matapos yumao ang kaniyang asawa. Ano daw ba ang Funeral Benefit Claim at iba pa ba ito sa Death Benefit Claim? Gusto rin niyang malaman ang mga dokumento na kailangang i-submit pati na rin kung sino ang maaaring mag-claim ng benepisyong ito maliban sa kanya.

Habang binabasa ko ang kanyang email, napag-alaman ko rin na hindi pala siya SSS member at tanging ang namayapa niyang asawa lamang ang miyembro. Nabalitaan niya mula sa isang kakilala na kailangang may SSS Unified Multi-Purpose ID (UMID) ATM Card siya o naka-enrol ang kaniyang bank account sa My.SSS para matanggap ang SSS Funeral Claim.

Nais din malaman ng claimant kung makakakuha pa ba sila ng SSS Funeral Benefit kahit ginamit niya ang memorial plan ng kanyang asawa.

Bilang tugon sa kaniyang mga katanungan, siniguro ko sa kaniya na hindi makakaapekto ang kaniyang non-SSS membership sa isinumite niyang Funeral Benefit Claim. Sa ilalim kasi ng SSS Funeral Benefit, ibinibigay ito sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namatay ng miyembro. Kung sino man ang nakapangalan sa funeral receipt, miyembro man o hindi ng SSS, ang siyang makakatanggap ng benepisyo. Magkaiba ito sa Death Benefit na kung saan ang legal na benepisyaryo ng namatay na miyembro ay makakatanggap ng monthly pension o lumpsum amount.

Para sa mga claimant na hindi miyembro ng SSS, maaaring i-file ang Funeral Benefit Claim Application (FBCA) sa pinakamalapit na SSS branch. Iwanan lamang ito sa dropbox na matatagpuan sa harap ng mga branches at hintayin ang tawag ng SSS para sa inyong appointment. Makakakuha ng FBCA Form sa branches o kaya ay mada-download ito mula sa SSS website www.sss.gov.ph. Kalakip ng FBCA ang mga sumusunod na dokumento: SSS ID o anumang pagpapatunay na miyembro ng SSS ang namatay, Death Certificate mula sa Local Civil Registry o Philippine Statistics Authority, orihinal na resibo mula sa punenarya, at dalawang valid ID ng claimant.

Pipili ang claimant kung ano ang kaniyang gustong pamamaraan ng disbursement o pagtanggap ng benepisyo. Maaaring sa pamamagitan ng sariling savings account ng claimant mula sa PESONet participating banks, Union Bank of the Philippines Quick Card, Electronic wallet tulad ng PayMaya o kaya naman sa Remittance Transfer Companies (RTCs) o Cash Payout Outlets (CPOs) tulad ng MLhuillier.

Simula noong August 2015, ang halaga ng SSS Funeral Benefit ay mula sa minimum na P20,000 hanggang sa maximum na P40,000. Depende ito sa credited years of service (CYS) o bilang ng mga taon ng paghuhulog ng kontribusyon sa SSS ng miyembro at average monthly salary credit (MSC) na siyang batayan sa pagkokompyut ng nasabing benepisyo.

Para mag-qualify sa SSS Funeral Benefit, kinakailangang may isang buwang hulog ng kontribusyon ang miyembro bago ang semestre ng kanyang pagkamatay.

Kapag ang miyembro naman ay nakapagtrabaho, kinakailangan lamang na siya ay ni-report ng kanyang employer sa SSS kahit na walang naihulog na kontribusyon para sa kanya.

Dahil ang Funeral benefit ay magsisilbing kapalit sa ginastos sa pagpapalibing, paano kung halimbawang ginamit ang memorial o insurance plan sa pagpapalibing ng namatay na miyembro?

Huwag kayong mag-alala dahil makakapag-file pa rin kayo ng Funeral Benefit Claim. Mag-submit lamang kayo ng Certification of Availment mula sa memorial/insurance life plan company. Ito ay para sa mga piling beneficiary lamang. Kung sakali ang memorial/insurance plan ay nasa pangalan ng claimant, kailangan pa rin mag-submit ng Certification of Availment kung saan nakasaad ang pangalan ng namatay na miyembro, claimant, at petsa ng pagkamatay. Kung halimbawang hindi nakasulat sa Certification of Availment ang pangalan ng namatay na miyembro, mag-submit ng notarized Affidavit mula sa plan holder bilang patunay na pinapayagan ang namatay na miyembro na gamitin ang kanyang memorial/insurance plan.

Kapag ang memorial/insurance plan ay hindi nakapangalan sa namatay na miyembro at claimant, maaaring ipasa ang Certification of Availment kasama ang alinman sa mga sumusunod na dokumento gaya ng Transfer of Certificate, Deed of Sale, at Deed of Donation o Affidavit of Sale mula sa plan holder.

Nawa’y naliwanagan ang ating readers tungkol sa Funeral Benefit Claim Application. Kung may mga karagdagang katanungan o paksang nais pag-usapan, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.

Comments