Dagdag tulong pinansyal ng SSS pension loan

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Maraming mga pensioners dito sa lungsod ng Baguio ang nagtatanong kung paano sila matutulungan ng SSS gayong hindi sapat ang kanilang natatanggap na buwanang pension. Kaya naman muling ipinapaalala ng ahensiya na mayroong SSS Pension Loan Program (PLP) para sa mga retiree pensioners na may pangangailangang pinansyal.

Sa katunayan, inilunsad ito noong unang bahagi ng 2019 upang bigyan ang mga SSS retiree pensioners ng pautang na may mababang interest at maluwag na proseso ng aplikasyon.

Sa ilalim ng PLP, 10 porsyento lamang ang ipinapataw na interes kada taon hanggang sa mabayaran nang buo ang kanilang utang. Maaari naman silang mag-apply ng panibagong pension loan pagkatapos mabayaran ang kabuuan ng kanilang kasalukuyang utang.  Wala ding kinakailangan na anumang kolateral kaya’t hawak pa rin ng ating mga pensioner-borrower ang kanilang ATM card. Sinisiguro ng SSS na kahit may utang pa ang pensyonado ay may matitira pa din sa kaniyang buwanang pension.

May Credit Life Insurance (CLI) rin ang PLP na nagbibigay ng proteksyon at garantiya sa pagbabayad ng loans ng mga retiree pensioners kung sakaling mamatay sila bago matapos ang pagbabayad ng utang.

Noong Oktubre 2019, ipinatupad ng SSS ang Enhanced PLP na kung saan itinaas ang loanable amount hanggang P200,000 mula sa dating P32,000. Samakatuwid, maaaring manghiram ang retiree pensioner ng katumbas ng kanyang tatlong buwan, anim na buwan, siyam na buwan o 12 buwang basic monthly pension kasama na ang karagdagang 1,000 dagdag benepisyo na ibinigay sa lahat ng pensyonado ng SSS noong Enero 2017. Babayaran nila ito sa loob ng anim na buwan kung katumbas ng tatlong buwang pensyon, 12 buwan naman kung katumbas ng anim na buwang pensyon, at 24 buwan kung katumbas ng siyam o 12 buwang pensyon ang hiniram ng pensyonado.

Mas pinalawig na din ng SSS ang kwalipikasyon sa PLP na kung saan maaaring makautang ang isang pensyonado na ang edad ay 85 taon pababa sa katapusan ng termino ng pautang.

Kahit isang buwang pension pa lamang ang natatanggap basta’t aktibo ang kanilang pension status sa SSS ay pwede na rin silang makautang. Sa kabila ng mas pinalawig na kwalipikasyon, higit na napakahalaga sa mga aplikante na wala silang natitirang balanse sa kanilang utang o benefit overpayment sa ilalim ng Loan Restructuring Program at Calamity Assistance Package para sila ay makapag-apply sa PLP.

Ang isa pang mabuting balita tungkol sa PLP ay nasa My.SSS na ito. Pwede na ang online application para sa mga pensioner borrower na fully paid na sa kanilang nakaraang pension loan at nais nila muling mag-apply ng panibagong pension loan. Kailangang may UMID Card na nakaenrol bilang ATM ang pensioner borrower o kaya naman ay UnionBank Quickcard. Para sa kaginhawaan ng ating mga pensioner-borrowers, may kiosk ng UnionBank sa loob mismo ng SSS Baguio branch.

Sa mga first time applicants, over the counter muna ang pag-apply. Magdala lamang ng 2 valid IDs at application form na makikita rin sa branch.

Matatanggap ng ating mga pensyonado ang loan proceeds sa pamamagitan ng kanilang savings account batay sa sumusunod na order of priority (1) valid SSS UMID Card na naka-enrol bilang ATM Card at (2) valid UBP Quick Card na nakarehistro ang savings account sa SSS, Kapag na-implement na ang PESONet payment facility para sa PLP, pwede na rin gamitin ang valid pension savings account sa PESONet participating bank na naka-enrol sa SSS. Samantala, para sa mga pensyonado na tumatanggap pa rin ng pension sa pamamagitan ng tseke ay pinapayuhang mag-apply sa pension loan nang personal sa pinakamalapit na SSS branch.

===

Pinapa-abot ng SSS Baguio branch sa lahat ng mga pensioners na tumatanggap ng pension sa ilalim ng Rural Bank of Itogon na magtungo sa SSS Baguio upang ayusin ang inyong October-November pension na hindi ninyo pa natatanggap. Huwag lamang kalimutan ang ipinatutupad na number coding scheme sa SSS Baguio. Magpunta sa araw ng Lunes kung ang Social Security Number ay nagtatapos sa 1 and 2, 3 and 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 tuwing Biyernes.

===

Mula sa ating inbox:

Dear SSS, pwede bang pagsamahin na namin ng mister ko ang inihuhulog namin sa SSS? Hindi na kasi siya nakakapaghulog at ako naman ay hindi rin consistent sa paghuhulog. Nais sana naming na gawing iisang account ang aming SSS. Salamat po – Mr. and Mrs Guevarra ng Tuba, Benguet.

Mr and Mrs Guevarra: Hindi maaaring pagsamahin ang inihulog na kontribusyon ninyong mag-asawa dahil itinuturing na personal ang inyong SSS membership. Ang mga inihulog ninyong kontribusyon sa ilalim ng inyong Social Security (SS) Number ay magiging basehan ng SSS sa pag-compute ng inyong matatanggap na mga benepisyo. Kaya’t iminumungkahi ko sa inyong mag-asawa na ipagpatuloy pa rin ninyo ang pagbabayad ng kanya-kanya ninyong SSS para ang bawat isa sa inyo ay makakatanggap ng benepisyo kapag kayo ay nangailangan.

===

Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.

Comments