Cayetano: Isali ang mga OFW sa prayoridad sa pagbangon ng bansa

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Muling nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano ngayong Biyernes, Hunyo 4, na gawing prayoridad ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) at ipasa na ang panukalang Department of Migrant Workers and Overseas Filipino (DMWOF).

“Siguro ang message ko lang sa lahat: itigil na nating sabihin na priority natin ang OFWs kung hindi natin ipa-prioritize,” sabi ni Cayetano sa kanyang panayam sa DZRH.

“Kung bibigyan natin sila ng sariling departamento, 100 percent: walang gagawin ang Secretary kung hindi welfare nila at ‘yung mga bansa na mas mataas ang sweldo at mas maganda ang  kalagayan, ma-open ang market sa mga Pilipino,” dagdag niya.

Ang panukalang DMWOF bill ay naipasa sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives noong Marso 11, 2020 subalit hindi pa ito naipapasa sa Senado.

Nang tanungin kung bakit patuloy niyang itinutulak ang paglikha nito sa kabila ng pagsasara Second Regular Session ng Senado, sinabi ni Cayetano na pinalapit siya ng kanyang mga karanasan bilang Foreign Affairs Secretary sa mga OFW, kung saan nakita niya ang kanilang mga pakikibaka at napagtanto ang pangangailangan na ituon ang pansin sa kanila at isama ang mga ito sa mga talakayan.

“Bakit OFW Department? Kahit ‘yung ate ko [si Senador Pia Cayetano], tinanong ako noon, ‘Hindi ba dagdag gastos?’ Sabi ko, ‘Unang una, ‘yung mga labor attaché – POEA, OWWA – i-aabsorb naman ‘yan ng OFW Department so hindi totoo na mas malaking gastos,’” sabi niya.

Binigyang diin ni Cayetano ang mga nagawa ng DFA sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang ang pagtaas ng Assistance to Nationals Fund mula P400 milyon hanggang P1 bilyon at ang Legal Assistance Fund mula P100 milyon hanggang P200 milyon, at ang matagumpay na kampanya ng bansa laban sa tradisyunal na kafala system sa Middle East.

Ikinalungkot din ni Cayetano ang isang pag-aaral na nakitang ang mga OFW na umuwi dahil sa pandemya ay nawalan ng mga trabaho.

“Siguro ‘yung 17 percent may naipon, nakapagnegosyo sila… but ‘yan ‘yung minority. ‘Yung majority kasi, marami diyan pinauwi rin na hindi swinelduhan,” dagdag niya.

Comments