Bagong contribution schedule para sa mas malaking halaga ng benepisyo

  • 2
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    2
    Shares

Happy 2021 po sa ating lahat! Dalangin ko ang isang maganda, malusog at matiwasay na buhay sa ating lahat ngayong bagong taon.

Speaking of bago, may bago rin sa SSS ngayong pagpasok ng taon. Ito ay ang bagong contribution schedule o bagong halagang ihuhulog nating mga miyembro bilang ating kontribusyon. Mula sa 12% contribution rate ay itataas ito ng 1% at magiging 13% na ang contribution rate simula ngayong buwan ng January. Ito ay alinsunod sa R.A. 11199 o ang Social Security Act of 2018.

Pero, katulad pa rin ng dati, maghahati pa rin ang empleyado at employer sa buwanang kontribusyon. Kung sa lumang rate ay 4% at 8% ang employee-employer share, ngayon ay magiging 4.5%-8.5% na ang employee-employer share.

Base sa bagong Contribution Schedule, ang minimum Monthly Salary Credit na P2,000 ay aakyat na ng P3,000. Kung kukunin natin ang 13% ng P3,000, magreresulta ito ng P390.00. Ang hatian ng empleyado at employer base sa 4.5%-8.5% sharing ay P135.00 sa empleyado at P255.00 mula sa employer.

Kung nasa maximum Monthly Salary Credit naman ang binabayaran ng miyembro na ngayon ay aakyat na sa P25,000 (dati ay P20,000 na may buwanang kontribusyon na P2,400), magiging P2,900 na ang kanilang buwanang kontribusyon. Maghahati ang employer at empleyado sa halagang P1,700 at P900 ayon sa pagkakasunod.

Kung voluntary members at self-employed naman, buong 13% ang babayaran nila. Ibang usapan naman para sa mga Kasambahay at OFW members.

Ang mga Kasambahay naman na tumatanggap ng buwanang sweldo na mas mababa sa Minimum Monthly Salary Credit ay babayaran nang buo ng kanilang employer ang kanilang buwanang kontribusyon base sa aktwal na sahod. Kung P2,000 kada buwan ang sahod nila, kukunin ang 13% nito at magreresulta sa P260.00 na siyang buwanang kontribusyon nila. Maghahati lamang sa pagbabayad ng kontribusyon ang household employer at ang kasambahay kung ang huli ay sumusuweldo ng P 5,000 o higit pa kada buwan.

Sa mga OFWs naman, mananatili ang minimum Monthly Salary Credit nila sa P8,000 na may katumbas na P1,040 kada buwang kontribusyon.

===

Ano ang balik ng dagdag na kontribusyon? Inaasahang mas malaki ang halaga ng benepisyong matatanggap. Sisiguraduhin ng SSS na ang pagtaas sa Contribution Rate at Monthly Salary Credit ay magbibigay sa mga miyembro ng mas mataas na halaga ng kanilang Sickness, maternity, Unemployment, Disability, Retirement, Death at Funeral Benefits. Tataas din ang kanilang mga loan proceeds sa Salary Loans, Educational Assistance Loans, Calamity Loans at Emergency Loans.

Dahil rin dito, magiging mas matatag at mapapalawig pa nang maraming taon ang pondo ng SSS para matustusan ang lahat ng benepisyo at pangangailangang pinansyal ng mga kasalukuyan at magiging miyembro nito.

Hindi na mangangamba ang mga bagong miyembro na baka maubusan na sila ng pondo kapag dumating ang panahaon na sila naman ang tatanggap ng kanilang Retirement Benefit o anumang benepisyong kailangan nila.

===

Kaakibat rin ng magandang balita tungkol sa bagong Contribution Schedule ay ang Workers’ Investment and Savings Program o WISP. Ito ay isang Provident Fund Program na para sa mga miyembro na naglalayong bigyan sila ng karagdagang pamamaraan para makapag-ipon at mag-invest. Ito ang laman ng susunod nating kolum kaya magandang abangan ito!

===

Kung may mga karagdagang katanungan o paksang nais pag-usapan, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.

###

Comments