Dear SSS,
Isa kami sa binisita ng inyong RACE Team kung saan nag-iwan po kayo ng written order sa aming amo dahil sa napabayaang SSS contribution naming mga empleyado. Salamat po sa aksyon na ito ng SSS at umaasa kami na sana ay lalo pa ninyo kaming matulungan sa pamamagitan ng aming employer. Nabanggit nila ang tungkol sa Enhanced Installment Payment Program na kanilang susundin para makabayad ng kanilang delinquencies. Ano po ba ang programang ito? Hindi rin kasi malinaw na na-explain ng aming amo ang tungkol dito. Muli, salamat po sa SSS. – Vangie
Hello, Vangie! Kami ay nagagalak na sa pamamagitan ng mga programa ng SSS tulad ng RACE Campaign ay natutulungan namin hindi lamang ang mga employer kundi pati na rin ang mga empleyado na kagaya ninyo. Batid namin ang epekto nito sa inyong mga empleyado sa tuwing hindi tinutupad ng employers ang kanilang obligasyon na i-remit ang inyong buwanang kontribusyon sa SSS.
Ang Enhanced Installment Payment Program ay isa sa mga Pandemic Relief and Restructuring Programs na inilunsad ng SSS sa gitna ng pandemya upang tulungan ang mga miyembro at employers na hirap sa pagbabayad ng kani-kanilang mga kontribusyon at loan payments.
Sa ilalim ng PRRP 3 or Enhanced Istallment Payment Program, mabibigyan ng pagkakataon ang mga employers na ayusin ang kanilang mga past due Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions sa pamamagitan ng mas pinahabang monthly installment mula siyam hanggang 60 buwan, depende sa halaga ng kabuuang delinquency. Sa ganitong paraan, mas magaan para sa employers na bayaran ang kanilang mga nakaligtaang obligasyon sa SSS.
Ang monthly installment ay hahati-hatiin nang parehas sa bilang ng amortization period. Maaari nilang bayaran nang buo ang kanilang principal obligations samantala ang naipong multa ay maaaring bayaran nang installment. Pwede rin nilang bayaran nang installment ang principal amount bago bayaran ang multa o kaya naman bayaran nang buo ang natitirang delinquency sa loob ng Installment Payment Agreement.
Qualified sa programang ito ang regular at household employers na may hindi pa nababayarang SS at EC contributions ng kanilang mga empleyado sa nakalipas na anim na buwan o higit pa, maaaring putol-putol o dire-diretsong hindi nakapagbayad, kabilang ang penalties mula sa araw ng aplikasyon; at mga hindi nabayarang multa mula sa late payment ng kontribusyon; may mga installment payment sa ilalim ng Installment Payment Scheme for Employers; o may mga nakabinbin na aplikasyon para sa Dacion en Pago o pagbabayad gamit ang kanilang ari-arian.
Samantala, maaari ring mag-apply sa PRRP 3 ang mga employers na may nakabinbin na kasong sibil at kriminal na nagihihintay ng hatol, o may Preliminary Assessment Notice (PAN)/ Final Assessment Notice before Seizure (FANS) sa ilalim ng Warrants of Distraint, Levy, and/or Garnishment (WDLG) Program, maliban na lamang sa mga naisyuhan na ng WDLG. Tandaan lamang na ang kanilang kwalipikasyon sa programa ay nakadepende pa rin sa inilatag na mga kundisyon ng SSS.
Sana ay naging malinaw na sa’yo Vangie ang tungkol sa programang ito. Kapag nabayaran na ng iyong employer ang kanyang obligasyon sa SSS ay maaari mo nang ma-enjoy ang mga benepisyo at pribilehiyo sa oras na ikaw ay mangailangan.
Para sa kumpletong impormasyon at detalye tungkol sa PRRP 3, maaaring bisitahin ang link na ito https://bit.ly/SSSPRRP3.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.