Ang “new normal operations” sa SSS

  • 13
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    13
    Shares

This post has already been read 36 times!

Nagsimula na ang General Community Quarantine (GCQ) dito sa Benguet Province at simula May 18, 2020 ay bukas na muli ang mga sangay ng SSS dito sa Baguio City at La Trinidad upang ipagpatuloy ang aming serbisyo sa mga miyembro. Noong nakaraang dalawang linggo ay naunang nagbukas ang iba pang SSS branches sa North Luzon sa Laoag, Vigan, Candon, La Union, Agoo, Bangued, at Bontoc.

Sa muling pagbubukas ng SSS Baguio at SSS La Trinidad, may mga bagong panuntunan na kailangang sundin ang ating mga miyembro na tinatawag nating “new normal”.

Para sa kapakanan at kaligtasan ng ating mga miyembro laban sa corona virus disease (CoVID-19), kukuhanan muna sila ng temperatura bago pumasok sa opisina. Nagtalaga rin ng magkaibang pintuang papasok at palabas kung saan mahigpit din na ipinatutupad ang pagsusuot ng face shields o face masks, gayundin ang pagpirma sa Health Declaration Slip ng bawat miyembro. Pinapakiusapan rin ang lahat na magdala ng kanilang sariling ballpen bilang pag-iwas din sa pagkalat ng virus.

May ipinatutupad din na number coding scheme kung saan ang pakikipagtransaksyon sa aming opisina para magbayad ng kontribusyon at loan ay batay sa huling numero ng kanilang Social Security (SS) number o Employer ID number. Ang mga SS number na nagtatapos sa 1 at 2 ay tuwing Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 tuwing Biyernes.

Mula May 18 hanggang June 1, 2020, prayoridad ang mga miyembrong magbabayad ng kanilang kontribusyon para sa buwan ng January hanggang March 2020, maging mga employer na magbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado para sa buwan ng February, March at April 2020. Paalala lamang na hanggang alas-2 ng hapon ang cut-off time ng SSS branches.

Samantala, para sa mga miyembrong magpapasa ng application documents, hindi na nila kailangang pumasok sa loob ng opisina dahil may inilagay na ring drop boxes sa labas ng branches para doon na lamang ilagay ang kanilang mga dokumento. Tuwing hapon, ito ay kokolektahin ng SSS staff para iproseso. Siguraduhin lamang na ilakip ang inyong contact details sa inyong dokumento na nasa loob ng brown envelope para mabilis kayong i-update ng SSS tungkol sa status ng inyong mga aplikasyon.

Habang patuloy pa rin ang banta ng COVID-19, asahan n’yo na magpapatupad ang SSS ng karagdagang guidelines para sa kaligtasan ng lahat. Dahil dito, humihingi ang SSS ng ibayong pang-unawa mula sa publiko.



Mula sa ating inbox:

Nagkasakit po ako noong April 25 at naospital po ako ng limang araw (April 25-April 30) May narinig po ako sa inyong mga interview na extended ang filing ng Sickness Benefit? Paano po ito? Hindi pa po ako makalabas ng bahay gawa ng ECQ at hindi ko po alam kung kailan ako maaaring mag-file ng aking Sickness Benefit. Self-employed po ako. Salamat. – Marco SF.

Dear Marco SF, mabuti naman at nasa mabuti kang kalagayan ngayon. Dahil na rin sa Covid-19 pandemic, minabuti ng SSS na magpatupad ng pansamantalang extension sa filing ng Sickness Benefit. Ito ay para lamang sa mga nagkasakit mula March 1 hanggang April 30, 2020. Ang mga self-employed members na katulad mo, maging ang mga voluntary members, ay binibigyan ng pagkakataong i-file ang kanilang Sickness Benefit Application Form sa loob ng sixty (60) calendar days matapos ang kanilang confinement.

Matagal na pong gardener ang tatay ko siguro may 20 years na. Mag 60 na po siya sa June 2. Sa loob po ng 20 years, putol -putol po ang paghuhulog n’ya ng kanyang SSS contributions. Gusto po naming malaman kung makakatanggap po ba siya ng pension sa SSS. Thank you. – Guadalupe

Dear Guadalupe, para mag-qualify sa buwanang pensyon ang tatay mo, dapat ay mayroon siyang 120 buwang kontribusyon o kabuuang 10 taon na paghuhulog, may patlang man o wala. Kung hindi naman umabot sa 120 buwan ang naihulog niya, hindi monthly pension ang kanyang matatanggap kundi lump sum amount lamang. Kapag nagbukas na ang aming opisina, maaari na kayong magsadya sa SSS para makita ang contribution records ng iyong tatay. Magdala lamang ng kaukulang authorization letter at identification cards (ID) mo at ng iyong tatay para sa kaukulang verification. Salamat!

###

Kung may mga paksang nais kayong pag-usapan o katanungan sa inyong SSS membership, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.


Comments