2 employers, arestado at hinatulang makulong dahil sa paglabag sa SS Law

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

This post has already been read 307 times!

Laman ng balita noong mga nakaraang linggo ang tungkol sa pagkakadakip ng dalawang employer dito sa North Luzon dahil sa paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.

Ang isa sa kanila ay may-ari ng pub dito sa Baguio City na kung saan umabot sa higit P16 milyon ang kaniyang obligasyon sa SSS. Nagsimula ito nang hindi nakapagsumite ang employer ng mga dokumentong hinihingi ng SSS. Hanggang sa sunod sunod na ang kanyang paglabag dahil hindi niya ikinaltas sa sweldo ng empleyado ang kontribusyon mula sa employee’s compensation at hindi rin niya binayaran ang kanyang share para sa kontribusyon ng kanyang empleyado para i-remit ang mga ito sa SSS.

Dinakip naman ang may-ari ng isang advertising company sa Pangasinan matapos takbuhan ang kaniyang natitirang obligasyon sa SSS na nagkakahalaga ng higit P40,000. Noong una ay nakipagkasundo ang employer na babayaran ang employee’s compensation contributions ng kaniyang empleyado, kabilang ang naipong multa dahil sa hindi pagbabayad nito sa takdang panahon. Binayaran naman ng employer ang principal na halaga subalit hindi niya isinama ang natitirang multa. Sa kabila ng Contribution Penalty Condonation Program na inalok ng SSS sa mga delingkwenteng employer noong nakaraang taon, walang pagkukusa ang employer na bayaran ang natitira niyang balanse sa SSS.

Nakakalungkot lang isipin na marami pa ring employers ang nakakalimot sa kanilang mga tungkulin sa kabila ng ating mahigpit na paalala. Sa katunayan, tinalakay ko na sa mga nagdaang kolum ang tungkol sa mga ligal na obligasyon ng employers sa SSS. Napag-usapan na rin natin ang mga penalties o kaakibat na parusa sa mga employers na hindi sumusunod o tumutupad sa kanilang mga obligasyon.

Noong nakaraang linggo, nabigyan ako ng pagkakataon na magsagawa ng SSS information drive para sa mga grupo ng mga kontraktor na kumukuha ng kanilang lisensya sa Safety and Health Standard. Parte ng kanilang licensure application ang mabigyan ng kaukulang impormasyon tungkol sa SSS. Malimit nilang tinatanong kung ano ang kanilang gagawin kapag nalaman nilang hindi pala binabayaran ng dati nilang employers ang kanilang SSS contributions.

Pinayuhan ko sila na mag-file ng affidavit of complaint laban sa kanilang employers sa pinakamalapit na SSS branch. Ang affidavit of complaint, kasama ang mga kopya ng payslips, kung mayroon, ang magiging basehan ng SSS sa pagkompyut ng delinquency para sa billing letter na ibibigay sa employer.

Batay sa record ng SSS nitong Agosto, umabot na sa 986,778 ang rehistradong employers sa SSS at aktibo silang tumutupad sa kanilang obligasyon sa SSS. Sana ay patuloy silang maging responsableng employers sa kabila ng pandemya upang mabigyan ng sapat na social security protection ang kanilang mga manggagawa.

===

Mula sa ating inbox:

Mabuting araw SSS! May updates na ba sa National ID System? Parehas lang ba ito sa SSS ID? Should I still apply for UMID kahit magkakaroon na tayo ng National ID soon? Doble doble kasi ang mga IDs natin kung magkataon. Salamat po – Denver

Mabuting araw Denver! Ipagpaumanhin mo dahil hindi ko masasagot ang tungkol sa status ng National ID System dahil hindi ito proyekto ng SSS. Maaari mong itanong ang status nito sa Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sila ang naatasan ng gobyerno na maglunsad nito. Tungkol naman sa relasyon nito sa SSS ID o UMID ID, kailangan mo pa rin mag-apply nito kahit may parating nang National ID dahil may ATM features ang UMID kung saan dito ipapasok ang lahat ng loans at benefit payments. Ang UMID ay eksklusibo sa SSS members, samantalang ang National ID ay foundational ID na kung saan malalaman ang tunay na pagkakilanlan ng bawat Pilipino.

Hello SSS! Totoo bang may additional na 30-day leave sa expanded maternity benefit? Thanks! – Dren

Hello Dren! Totoo na pwedeng mag-extend ng additional 30-day leave sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law. Subalit, nais kong linawin na sa panahong ito ay wala nang matatanggap na benepisyo ang miyembro mula sa SSS dahil 105 days lang ang paid maternity leave na ibinibigay para sa mga kwalipikadong miyembro na nanganak, normal delivery man ito o ceasarian section. Kinakailangan lamang na humingi ng approval mula sa employer. Maraming Salamat! #

===

Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.

Comments