Payment Reference Number at Real Time Posting of Contributions

  • 11
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    11
    Shares

Sa tuwing magbabayad ng kontribusyon ang employers, self-employed, non-working spouse, voluntary, at Overseas Filipino Worker (OFW) members, kinakailangan na ngayon ng PRN o Payment Reference Number.

Marami nang paraan para makakuha ng PRN. Pwede itong makuha sa mismong tellering section ng SSS branch. Halimbawa, dito sa SSS Baguio, kapag nakapila na ang miyembro sa tellering section para magbayad ng kontribusyon, ige-generate na mismo sa counter ang PRN. Hindi na nila kailangan pumila pa ulit sa ibang counter para kumuha ng PRN.

Sa ikalawang palapag ng SSS Baguio ay makikita rin ang booth ng Bayad Center kung saan ay nakakapag-generate sila ng PRN kasabay ng pagbabayad ng inyong SSS contribution.

At dahil halos lahat naman ng members ay may cell phone, maaari na rin ipadala ang PRN sa pamamagitan ng text message ilang araw bago ang nakatakdang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon. Siguraduhin lamang na updated ang inyong cell phone number sa rekord ng SSS branch.

Pwede rin makuha ang PRN sa pamamagitan ng bagong SSS Mobile App, mag-e-mail sa member_relations@sss.gov.ph o kaya mag log-in sa My.SSS account.

Dahil marami nang paraan para makakuha ng PRN, sana ay hindi na makaligtaan ng ating mga miyembro na magbayad ng kontribusyon sa SSS.

====

Ngunit para saan ba ang PRN? Dati rati naman ay napaka-inam ang pagbabayad ng kontribusyon sa SSS?

Marami kasing dumarating na reklamo sa SSS dahil hindi naipo-post kaagad ang kanilang mga nabayarang kontribusyon sa system. Ang ilan, naghihintay pa ng ilang araw para makitang posted na ang kanilang kontribusyon.

Para tugunan ang problemang ito, inilunsad ng SSS ang Real-Time Posting of Contributions o RTPC. Sa pamamagitan nito ay agarang maitatala ang binayarang kontribusyon ng miyembro. Hindi na rin kailangan gumamit ng form ang miyembro gaya ng mga self-employed, voluntary, non-working spouse at Overseas Filipino Worker (OFW) members para isulat ang kanilang mga detalye. Basta’t nakasulat ang PRN sa kapirasong papel at ipakita lamang sa tellering counter o sa alinmang accredited payment centers ay tatanggapin na ang inyong kontribusyon.

Mas madali na rin ma-access ng employer ang electronic collections system at electronic Statement of Account (SOA) sa sandaling kailanganing i-review o i-update ang mga impormasyon sa SSS tulad ng pagkuha ng mga bagong empleyado o pagkakatanggal ng empleyado, o di kaya’y pagbabago sa halaga ng ibabayad na kontribusyon at kaukulang payment period.

Kaya’t kasabay ng agarang posting ng kontribusyon ang mas mabilis na pagpoproseso ng loans at benefit applications ng mga miyembro.

====

Maiba naman tayo. May importanteng anunsiyo ng SSS para magbigay ng babala sa mga miyembro na huwag makikipag-transaksyon sa mga “fixers” na naniningil umano ng halos P2,500 bilang komisyon sa pagproseso ng iba’t-ibang benefit claims at loan applications sa SSS.

Nakarating sa opisina ni SSS PCEO Aurora C. Ignacio ang ulat mula sa iba’t-ibang branches sa buong bansa na may mga indibidwal na nagaalok ng tulong para sa pagpoproseso ng kanilang mga benepisyo na ang kapalit ay pera. Pinaalala ni SSS PCEO Ignacio na ang pagpoproseso ng kanilang benefit applications ay libre. Dagdag pa niya, mahigpit na sinusunod ng SSS ang Data Privacy Law at hindi basta-basta kumukuha ang ahensya ng mga impormasyon ng mga miyembro sa social media tulad ng Facebook at Twitter.

Sakaling may mag-alok sa inyo na mga “fixers”, ipagbigay alam ito sa mga kinauukulan o maaari niyong idulog sa alin mang SSS branch na malapit sa inyong lugar.

====

Patuloy po ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column

Comments
  •  
    11
    Shares
  • 11
  •  
  •  
  •  
  •