Mga Benepisyong hatid ng mas pinahabang Maternity Leave

  • 9
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    9
    Shares

Kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day noong Mayo 1, pinirmahan ng Social Security System (SSS), Department of Labor and Employment (DOLE) at Civil Service Commission (CSC) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Expanded Maternity Leave Law. Napakagandang balita nito sa lahat ng SSS members na may planong magka-baby sa mga susunod na taon.

Dati kasi, nakatatanggap ang babaeng miyembro ng maternity benefits sa loob ng 60 araw kung normal delivery o nakunan at 78 days naman kung caesarian delivery. Sa ilalim ng bagong batas, pinalawig sa 105 araw ang full maternity benefit mapa-normal delivery man o caesarian samantalang 120 days naman kung solo parent. Maaari rin ibigay ng miyembro ang pitong araw mula sa 105 araw na maternity leave sa asawa nito o alternatibong makakatuwang niya sa pag-aalaga bilang paternity leave. Sa ganitong sitwasyon, 98 days ang babayaran ng SSS sa nanganak na miyembro.

Pwede pang humingi ang miyembro ng karagdagang 30-day leave o isang buwang extension sa employer kung nabitin siya sa 105 days, subalit wala na itong bayad. Kung nauwi naman sa miscarriage o emergency termination ang pagbubuntis, 60 days naman ang babayaran sa miyembro.

Unlimited na rin ang benepisyong ito hindi katulad noon na hanggang apat na pagbubuntis o pagkakunan lamang ang binabayaran ng SSS. Ibig sabihin, kahit ilang beses manganak ang miyembro, at pasok sila sa qualifying conditions ay makatatanggap sila ng maternity benefits.

====

Makatatanggap ng SSS Maternity Benefit ang mga babaeng miyembro na may tatlong buwang hulog sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak o pagkakunan. Halimbawa, kung manganganak ang miyembro sa Mayo, dapat ay may tatlong buwan siyang hulog noong Enero hanggang Disyembre 2018.

Dapat munang mag-file ng Maternity Notification ang miyembro sa oras na malaman niya na siya ay buntis. Kung siya ay isang empleyado, kailangan niyang magpasa ng Maternity Notification sa kanyang employer. I-attach dito ang Ultra Sound Report mula sa kanyang doctor. Kung ang member naman ay Voluntary, Self-Employed, Non-Working Spouse o OFW, kailangan nila magpasa ng Maternity Notification sa mismong SSS branch na malapit sa kanilang lugar.

====

Malaking halaga ang matatanggap ng isang kwalipikadong miyembro sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law. Ang mga nagbabayad ng maximum contribution na may Monthly Salary Credit (MSC) na P20,000 o monthly contribution na P2,400 ay makatatanggap ng P70,000 at P80,000 naman ang matatanggap kung siya ay solo parent. Kung ang MSC ng miyembro ay P10,000, makatatanggap siya ng P35,000, samantalang P40,000 naman kung siya ay solo parent.

====

Sa tala ng SSS, mahigit sa 326,000 babaeng miyembro ang nakatanggap ng maternity benefits noong 2018. Mas mataas ito ng 12.6% kung ikukumpara sa mga nagdaang taon. Dahil dito, umabot sa higit pitong bilyong pisong halaga ng maternity benefits ang naipamahagi ng SSS noong 2018.

Ngayong 2019, inaasahan na lolobo ang bilang na ito. Sa katanuyan, dito sa SSS North Luzon Division pa lamang ay umabot na sa 3,952 maternity benefit claims ang naaprubahan sa unang quarter ngayong taon. Mula ito sa mga SSS branches sa Agoo, Baguio, Bangued, Bontoc, Candon, La Union, Laoag, Vigan, Cauayan, Ilagan, Santiago, Solano at Tugegarao.

====

Mas mataas na benepisyo ang matatanggap kung mas mataas ang halaga ng kontribusyon. Yan ang palaging ipinapaalala ng SSS sa mga miyembro nito. Kaya naman huwag po tayong manghinayang sa inihuhulog natin na kontribusyon sa SSS. Huwag po nating isipin na gastos lamang ito at kabawasan sa ating budget. Triple o mas higit pa ang balik nito sa inyo. Kampante rin po kayong may matatanggap na tulong pinansiyal sa oras ng pangangailangan.

====

Nais naming ipaalam sa aming mga pensioners na bukas po ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyonado na nais mag-avail ng PLP na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

====

Patuloy po ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.

Comments
  •  
    9
    Shares
  • 9
  •  
  •  
  •  
  •