Kaparusahan sa mga Pasaway na Employers

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Natalakay na natin sa nakaraang kolumn Natalakay na natin sa nakaraang kolumn  ang mga ligal na obligasyon ng employers. Ipagpapatuloy natin ngayon ang usapan upang talakayin ang mga kaparusahan at mga posibleng ipataw na multa sa mga pasaway na employers.

Ilan lamang sa nangungunang paglabag ng employers ay pagtanggi o pagpapaliban sa pagrehistro ng kanilang mga empleyado sa SSS, at ibawas mula sa sahod ng empleyado ang kanilang SSS contributions at i-remit ang mga ito sa SSS.

May ilan naman na maling statement ang ibinibigay sa SSS para lamang maka-claim ng benepisyo o loan application. Kasama rin dito ang pamemeke, pagpapalsipika at pagbibigay ng huwad na mga dokumento para sa koleksyon o pagbabayad ng kontribusyon.

Ang mga pasaway na employers ay kakasuhan sa paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 at may katumbas din itong multa na P5,000 hanggang P20,000.00 at pagkakakulong ng anim na taon hanggang isang araw hanggang 12 taon na walang probation.

Sino-sino ang posibleng makasuhan? Alam niyo ba na kung ang nakasuhan ay isang kumpanya, hindi lamang ang Presidente o General Manager ang kasama sa kaso kundi damay din ang lahat ng miyembro ng Trustees o Board of Directors. Kung Partnership naman ang uri ng negosyo o kumpanya, damay din sa kaso ang partner o partners ng kumpanya. Syempre, kung ito ay sole proprietorship lamang, makakasuhan ang nagmamay-ari o sole owner ng negosyo.

Dahil may karampatang parusa ang paglabag sa batas, pinapayuhan namin ang lahat ng employers na sumunod sa mga panuntunan ng SSS. Huwag niyo nang hintayin na makasuhan kayo dahil uubusin lamang nito ang inyong pera at panahon na dapat sana ay inilalaan niyo sa inyong pamilya at negosyo. Isaalang alang niyo rin sana ang kapakanan ng inyong mga empleyado na todo kayod upang palaguin ang inyong negosyo.

Patuloy lamang ang aming pagmamasid sa inyo para siguruhing mapapakinabangan ng bawat miyembro ang kanilang benepisyo at pribilehiyo sa SSS.

====

Hanggang sa September 6 na lamang ang CPCP!

Kung may problema sa pagbabayad ng kontribusyon sa SSS ang isang kumpanya, maaari silang mag-avail ng CPCP o Contribution Penalty Condonation Program. Sa ilalim ng CPCP, hindi na babayaran ang naipong multa matapos bayaran ng employer ang kabuuang kontribusyon. Kinakailangan lamang na mag-submit ng letter of intent ang employer sa SSS upang mabigyan siya ng kaukulang computation ng dapat niyang bayaran. May hanggang 48 na buwan o apat na taon ang employer para i-settle ang kanilang obligasyon sa SSS.

====

Para naman sa mga empleyadong may pasaway na employers, maaari kayong mag-file ng affidavit of complaint sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar. Importante na itago ninyo ang inyong mga payslips para ito ang gawing basehan sa inyong reklamo.

====

Noong nakaraang linggo, may lumabas sa Facebook na may pa-raffle raw ng SSS at napakalaki ng mga ipamimigay na premyo. Nililinaw po ng SSS na isa po itong fake news dahil wala po kaming anunsyo tungkol sa anumang raffle draw.

====

Inanunsyo rin ng SSS ang tungkol sa pansamantalang pagka-antala sa pagpoproseso ng UMID card application. Lahat ng miyembrong nagpasa ng kanilang UMID application mula noong July 30, 2019 ay inaabisuhang maghintay ng bagong anunsyo mula sa SSS kung normal na ang pagproseso ng nasabing ID. Nasira kasi ang Central Verification System o CVS. Ito ang nagtatalaga ng biometrics uniqueness ng mga UMID applicants. Ang CVS ay pinapatakbo ng Philippine Statistics Authority (PSA) at katuwang namin sila sa sa pagpoproseso ng UMID.

====

Nais namin ipaalam sa mga SSS pensioners na tuloy tuloy ang pagtanggap namin ng aplikasyon para sa Pension Loan Program. Ito ay para matulungan ang aming mga pensioners na maibsan ang inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyonado na interesadong mag-avail ng PLP na magsadya dito sa SSS Baguio branch o sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar.

====

Bukas na po para magbigay serbsiyo ang SSS La Trinidad Branch. Matatagpuan ito sa Ground Floor Jewel Igorot Bldg., KM 4, Balili, La Trinidad Benguet. Ang mga members namin na taga La Trinidad, Atok, Kapangan, Kabayan, Kibungan, Bokod, at Tublay ay maaari nang makipag-transact dito sa pinakabago nating branch. Tatanggap ang sangay na ito ng benefit claims at salary loan applications, pagbibigay ng SS Number, employer registration, at very soon ay maaari nang tumanggap ng UMID application.

====

Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.

Comments
(Visited 9 times, 1 visits today)
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •