Benepisyo para sa Pagpapalibing

  • 10
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    10
    Shares

Ang pag-uusapan naman natin ngayon ay tungkol sa Funeral Benefit o Benepisyo sa Pagpapalibing.

Ang Funeral Benefit ay cash benefit na ibinibigay sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namatay na miyembro. Dapat nating tandaan na hindi kinakailangang kabilang sa pamilya ng SSS member ang makakakuha ng nasabing benepisyo. Ipinapaalala din po namin na ang benepisyong ito ay iba pa sa death benefit na maaaring makuha ng pamilya ng namatay na miyembro.

Para mag-qualify sa benefit na ito, kailangan may naihulog na kahit isang buwang kontribusyon ang miyembro bago ito pumanaw.

Para makapag-claim ng Funeral Benefit, kinakailangang mag-fill out ang claimant ng SSS Funeral Benefit Claim Form na makukuha sa branches o kaya naman ay pwedeng i-download mula sa SSS website.

Mag-submit ng kahit isang kopya ng anumang dokumento o ID na nagpapatunay ng pagkakakilanlan ng namatay na miyembro. Ito ay ang mga sumusunod: UMID o SS ID ng member, company ID o payslip na makikita ang Social Security (SS) number ng member, SSS forms tulad ng Member Data Change Request o SS Form E-4, Contribution Collection List o SS Form R-3, validated Contributions Payment o SS Form RS-5, Member Loan Payment o SS Form ML-1, Personal Record Form o SS Form E-1 at iba pang SSS membership application forms tulad ng RS-1, NW-1 o OW-1 na may tatak na natanggap nga ito ng SSS. Maaari rin magpakita ng certification mula sa SSS na nagpapatunay na tama ang SS number na ibinigay ng SSS bago namatay ang miyembro.

Syempre, magsama rin ng photocopy ng anumang dokumentong nagpapatunay sa pagkakakilanlan ng claimant tulad ng anumang government issued ID tulad ng SS Card o UMID, Passport, Seaman’s Book, PRC Card o Driver’s License. Kung ang claim ay ipapa-file sa kinatawan ng claimant, idagdag sa mga dokumentong isa-submit ang Letter of Authority o Special Power of Attorney at ID ng kinatawan ng claimant.

Matatandaang itinaas noong August 1, 2015 ang halaga ng Funeral Benefit mula sa minimum na P20,000 hanggang sa maximum na P40,000, depende na lang sa bilang ng nabayarang kontribusyon ng miyembro at kanyang Average Monthly Salary Credit (AMSC)

====

Hahanapin rin ng SSS ang Death Certificate ng namatay na miyembro kaya kinakailangan din magdala ang claimant ng orihinal/duplicate/certified true copy/certified photocopy at isang photocopy sa SSS branch. Kung ang miyembro ay inilibing o na-cremate dito sa bansa, magdala rin ng isa sa alinmang dokumento: Death Certificate na nakarehistro sa Local Civil Registrar at nilagdaan ng authorized representative mula sa Office of the Civil Registry (OCR), PSA Certified Death Certificate, at Certification of Death na nilagdaan ng awtorisadong kinatawan mula sa OCR at nagtataglay ng opisyal na tatak ng OCR.

Kung ang miyembro naman ay namatay at inilibing o na-cremate sa ibang bansa, magpakita lamang ng Death Certificate mula sa Vital Statistics Office/County ng host country o ang katumbas nito. Ganun din ang isa-submit kung ang miyembro ay namatay sa ibang bansa pero dito sa bansa inilibing o na-cremate. Importanteng may opisyal na pagsasalin sa wikang Ingles mula sa DFA o Embahada ng Pilipinas kung ang Death Certificate ay hindi nakasulat sa Ingles.

====

Para makumpleto ang dokumentong isa-submit, kinakailangan rin i-submit sa SSS ang Official Receipts na naglalaman ng mga ginastos sa serbisyong iginawad sa patay. Halimbawa nito ay mga resibo sa punenarya o sa pagpapalibing na may tatak ng BIR registration. Nakasulat din dapat sa resibo ang pangalan ng claimant at pangalan ng namatay na miyembro.

Kung hindi nakapangalan sa claimant ang resibo, samahan ito ng pina-notaryong waiver mula sa taong nakapangalan sa OR. Kung wala ng hawak na original OR ang claimant dahil nawala o isinumite na sa ibang ahensiya, magpasa ng alinman sa mga sumusunod: certified true copy ng OR, o certification mula sa funeral parlor/ memorial service kung saan nakalagay ang mga detalye ng mga binayaran sa pagpapalibing ng namatay na miyembro. Kung wala pang available na OR at hindi pa naililibing ang namatay, ipasa ang Funeral Service Contract mula sa punenarya. Kung wala pang OR at hindi pa nababayaran ang punerarya, ipasa ang Provisional Receipt mula sa punerarya.

====

May mga miyembro naman na may memorial o insurance plans. Sa mga ganitong kaso, kung ang memorial o insurance plan ay nakapangalan sa namatay na miyembro, kailangan magsubmit ng Certification of Availment mula sa memorial/insurance life plan company. Ito’y para sa mga piniling beneficiary lamang. Kung ang memorial/insurance plan ay nasa pangalan ng claimant, kailangan pa rin mag-submit ng Certification of Availment kung saan nakasulat ang pangalan ng namatay na miyembro, claimant, at petsa ng pagkamatay. Kung ang pangalan ng namatay na miyembro ay hindi nakasulat sa Certification of Availment, mag-submit ng notarized Affidavit mula sa plan holder na pinapayagan ang namatay na miyembro na gamitin ang memorial/insurance plan.

Kapag ang memorial/insurance plan ay wala sa pangalan ng namatay na miyembro at claimant, mag-submit pa rin ng Certification of Availment at lakipan ng isa sa alinman sa mga sumusunod: Transfer of Certificate, Deed of Sale, Deed of Donation o Affidavit of Sale mula sa plan holder.

====

Umaarangkada pa rin ang Contribution Penalty Condonation Program o CPCP. Ito’y isang programang nagbibigay ng oportunidad sa employers na i-settle ang hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang empleyado sa SSS. Ang maganda pa rito, ipagpapaliban na ang naipong penalties kung nabayaran na ng employer ang principal at naipong interes. Magsadya lamang sa SSS branch na nakakasakop sa inyong kumpanya para mag-file ng application at mag-submit ng proposal kung paano ninyo babayaran ang inyong contribution delinquency. Pwede niyo itong bayaran ng isang bagsakan o installment. Hanggang September 1 na lamang tatakbo ang programang ito.

====

Tuloy-tuloy pa rin po ang Pension Loan Program para sa ating mga retiree pensioners. Lima hanggang pitong araw lamang ay matatanggap na ninyo ang inyong loan proceeds. Mababa ang interest at walang kinakailangang collateral. Magsadya sa pinakamalapit na SSS sa inyong lugar kung interesado sa programang ito.

====

Mula po sa ating inbox:

Tanong ko lang po halimbawa ngpadopt n po sa iba ung legal n anak ng member n namatay may karapatan pa rin po bang tumanggap ng monthly pension kht hnd n nya apelyedo ung dinadala ng bata. thanks po s pagresponse. – THESS GUEVARRA

Magandang araw Ms. Thess,
Kung mapapatunayan na ligal ang pagkaka-adopt sa bata, matatanggalan na siya ng karapatan sa mga benepisyo.

====

Magpada lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.

Comments
  •  
    10
    Shares
  • 10
  •  
  •  
  •  
  •