Bagong Pag-asang hatid ng Social Security Act of 2018

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Welcome po sa ating bagong kolum tungkol sa inyong Social Security System. Inilaan ito para sa kapakinabangan ng lumalaking bilang ng mga miyembro ng SSS. Sa pamamagitan ng kolum na ito ay maibabahagi natin ang mga bagong programa ng ahensiya para sa mga miyembro nito. Magsisilbi rin itong tulay para sa mga miyembrong may katanungan o paglilinaw tungkol sa kanilang SSS membership.

====

Noong February 8, 2019, pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Layunin ng bagong batas na palakasin pa lalo ang pondo ng SSS sa pamamagitan ng pagpapatupad ng pagtaas ng kontribusyon at ng minimum at maximum monthly salary credit o MSC.

Sa pagtataya ng SSS Actuarial and Risk Management Group, mapapalawig hanggang taong 2045 ang buhay ng pondo (fund life) ng ahensiya mula sa kasalukuyang 2032 kung unti-unting itataas ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro mula sa kasalukuyang 11% hanggang 15% sa taong 2025.  Ibig sabihin nito, mapapawi ang anumang pangamba na malulugi ang SSS.

====

Ang pagtaas ng kontribusyon ay may kaakibat na karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa mga miyembro. Halimbawa, kung ang miyembro ay may buwanang suweldo na P20,000 at nakapagbayad ng 12 kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit, ang sickness benefit na matatanggap ng miyembro ay P600.00 kada araw mula sa dating P480 kada araw.

Good news din sa ating mga pensioners dahil tataas din ang matatanggap nilang pensyon. Sa kasalukyan, ang average rate na natatanggap ng ating mga pensioners ay nasa P6,400 kada buwan kung ang buwanang kita ng pensyonado habang siya pa ay nagtatrabaho ay nasa P20,000. Dahil sa bagong funding mechanism sa ilalim ng bagong batas, inaasahang tataas ang buwanang pension at maaaring mag-average ito sa P8,000 kada buwan.

Isa pang napakagandang probisyon ng RA 11199 ay ang karagdagang benepisyo para sa mga manggagawa sa pribadong sektor na inboluntaryong natanggal sa trabaho – ang Unemployment Benefit. Sa ilalim ng bagong programa, ang mga manggagawang natanggal sa trabaho ay makatatanggap ng ayuda o tulong pinansyal sa loob ng dalawang buwan na nagkakahalaga ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit. Malaking tulong ito sa mga apektadong manggagawa dahil hindi na nila po-problemahin ang kanilang pang-araw-araw na gastusin habang sila pa ay naghahanap ng panibagong trabaho.

Sa ilalim ng bagong batas, gagawing na ring mandatory ang SSS membership para sa mga Overseas Filipino Workers. Sa kasalukyan kasi ay opsyonal lamang para sa OFWs ang pagiging SSS member. Hindi kasi maitatanggi na marami sa ating mga OFWs ang umuuwing walang ipon matapos ang ilang taong pagbabanat ng buto at pagsasakripisyo sa ibang bansa. Ang masaklap pa, may mga umuuwing may sakit o kapansanan. Ito ang mga suliraning naisip ng SSS kaya isinama ang probisyong ito sa RA 11199.

Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan na ang mga isinasagawang Public Forums habang binabalangkas na ng liderato ng SSS ang Implementing Rules and Regulations (IRR). Kritikal ang mga aktibidad na ito dahil malaki ang maiaambag ng stakeholders ng SSS gaya ng mga miyembro, pensyonado, labor at employer groups, pati na rin mga opisyal at empleyado ng SSS sa paggawa ng IRR. Malaking oportunidad din ito para sa SSS na maipaliwanag sa kanila ang mga importanteng probisyon sa batas nang lubusan nilang maunawaan ang mga benepisyong hatid nito sa mga miyembro at pensyonado.

Sa katunayan, dalawang public forums na ang isinagawa sa Cebu at Metro Manila. Inaasahan na mas maraming pagpupulong ang isasagawa ng SSS para sa sektor ng manggagawa, employers, at Overseas Filipino Workers (OFWs).

=====

Sa bagong batas ng SSS, siguradong mabibigyan ng bagong pag-asa ang mga miyembro. Hindi na malalagay sa alanganin ang ahensiya at patuloy na magiging masigla at malakas ang pondo nito para sa mga kasalukuyan at magiging miyembro ng SSS.

=====

Nais naming ipaalam sa aming mga retiree pensioners na bukas po ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng aming mga miyembro. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyonado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito, na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

=====

Para sa anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership, ipadala lamang sa aking e-mail address sa rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.

Comments
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •